MANILA, Philippines – Naniniwala ang Philippine Coast Guard (PCG) na ang presensya ng PCG vessel na BRP Teresa Magbanua ang dahilan ng agresibong hakbang ng China sa Escoda Shoal.
Ito ang sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela kasunod ng insidente nitong Linggo, Agosto 25 kung saan bumangga at gumamit ng water cannon ang mga barko ng China Coast Guard (CCG) sa BRP Datu Sanday ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) malapit sa Escoda Shoal.
“We could just assume that the reason why China is overreacting is because naniniwala sila sa sarili nilang paranoid narrative na merong dahilan tayo na ire-reinforce natin ang presence ng Teresa Magbanua,” sabi ni Tarriela sa panayam ng GMA News.
Ang BRP Teresa Magbanua, isa sa pinakamalaki at pinakamodernong barko ng PCG, ay naka-istasyon sa Escoda Shoal mula Abril ngayong taon sa gitna ng mga ulat ng mga aktibidad sa reclamation ng China doon.
Tinutukoy ng China ang Escoda Shoal bilang Xianbin Jiao, na sinasabing bahagi ito ng Nansha Islands.
Nanindigan ang PCG na ang Escoda Shoal ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 arbitral award.
Sinabi rin ng PCG na nagtalaga ito ng sasakyang pandagat sa Escoda Shoal hindi para pukawin o palakihin ang tensyon kundi para protektahan at pangalagaan ang mga karapatan ng Pilipinas sa mga katubigang ito, partikular na laban sa mga ilegal na poachers at aktibidad na nakakasira sa kapaligiran ng dagat.
Sa kabila ng insidente noong Linggo, sinabi ni Tarriela na depende sa Department of National Defense (DND) upang magpasya kung ipapatupad nito ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Jocelyn Tabangcura-Domenden