Home NATIONWIDE PCG: ‘Whole-of-government’ approach sa WPS patuloy

PCG: ‘Whole-of-government’ approach sa WPS patuloy

MANILA, Philippines- Patuloy na gagamit ng isang mapayapa at “whole -of-government” approach ang national government sa West Philippine Sea (WPS) sa pamamagitan ng pagpapanatili ng presensya ng mga sibilyang sasakyang-dagat mula sa Philippine Coast Guard (PCG) sa kabila ng pananalakay ng China.

Sinabi ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa West Philippine Sea (WPS), na ang desisyon kung magpapadala o hindi ang gobyerno ng mga gray ships o barkong pandigma mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ay depende kay Pangulong Marcos Jr.

Ayon pa kay Tarriela, ang Pangulo ang may buong awtoridad na magpasya tungkol dito. Aniya, susuportahan ng PCG ang anumang desisyon ng AFP at ng Commander in Chief.

Base pa sa opisyal ng PCG, ang People’s Liberation Army (PLA) Navy ay nagiging bahagi na ng diskarte ng China sa paggiit ng posisyon nito sa WPS.

Habang ang paglalagay ng China ng mga barkong pandigma ay maaaring ituring na isang reciprocal act, sinabi ni Tarriela na ang AFP ay maaaring makabuo ng mga rekomendasyon sa patakaran upang palakasin ang paninindigan ng bansa sa pinagtatalunang karagatan.

Inulit ng PCG ang pangako ng gobyerno na protektahan ang mga mangingisdang Pilipino sa WPS sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa gitna ng panggigipit sa mga sasakyang pandagat ng China.

Aminado ang opisyal na limitado ang resources ng PCG kumpara sa mabigat na gawain na protektahan ang bawat pulgada ng maritime territory ng bansa, ngunit hindi aniya ito makapipigil sa ahensya sa pagtiyak sa kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino sa WPS. Jocelyn Tabangcura-Domenden