Home OPINION PCP SA DIVISORIA BINANSAGANG VENDORS POLICE STATION

PCP SA DIVISORIA BINANSAGANG VENDORS POLICE STATION

SA isang talumpati ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa muling pagbubukas ng itinayong modernong paaralan ng Rosauro Almario Elementary School sa Tondo, tahasan niyang sinabi na lahat ng magagandang proyekto ni dating Yorme Isko Moreno Domagoso ay kanyang ipinagpapatuloy.

Totoo naman ito dahil sunod-sunod na ang inagurasyon ng mga iniwang proyekto ni Yorme Kois na tinapos sa panahon ni Mayor Honey pero mukhang ang proyektong paglilinis sa kahabaan ng C.M. Recto sa Divisoria na talaga namang tumatak sa paninindigang politikal ng dating alkalde na hinangaan ng buong bansa ay tila hindi nabantayang mabuti ng kauna-unahang babaing alkalde ng Maynila.

Ang nakagugulat pa nga, sa mismong harapan ng Asuncion PCP sa dulo ng C.M. Recto inilagay ang kubol na inokupa ng mga vendor kaya naging masikip ang daloy ng trapiko sa lugar.  Eh di ba dapat ay mga pulis sa detachment ang magbantay para maging maayos ang daloy ng trapiko at maging malinis ang lugar tulad noong panahon ni Yorme Isko?

Noon palang buwan ng Disyembre ay nakarating na ang problema sa kaalaman ng Department of Engineering and Public Works kaya sinulatan ni City Engineer Arman Andres ang Manila Police District para sila ang mag-utos sa mga pulis sa Asuncion PCP na linisin ang lugar.

Nakakuha tayo ng kopya ng liham ni P/Col. Edward Quijano ng MPD District Operations Division na may petsa pang Disyembre 5, 2023 na nag-uutos sa pamumuan ng Asuncion PCP na magsagawa ng clearing operation at isumite sa kanilang tanggapan ang resulta.

Kung sinunod man ang naturang direktiba, sa umpisa lang siguro dahil nanatili ang illegal vendors sa harap ng PCP na lalo pang nagpasikip sa daloy ng trapiko. Maging si 1st District Councilor Marjun Isidro ay nairita rin sa masikip na na daanan na sagabal sa  daloy ng trapiko sa lugar kaya hindi siya nakatiis at tinanong ang isang pulis sa lugar kung bakit bumalik sa dati ang lugar. Ang sagot daw ng pulis “talagang ganoon daw sa lugar araw-araw.” Aba, eh baka kailangan pa sigurong mag-privilege speech ni Konsehal Isidro para makarating ang problema sa kinauukulan?

Ang bulong sa atin ng mga nagrereklamo, nagsimula raw mamutiktik ang  illegal vendors sa lugar nang muling magkaroon ng pangil ang dating kolektor ng isang alyas “Carol Bakulaw”, na tinaguriang “Divisoria Queen” na noon ay ipinahuhuli na ni Yorme Isko, dahil ito ang namamahala sa malaking koleksiyon sa illegal vendors. Isa nga raw alyas “Tata Sacote ” ang ginagamit ngayon para mamahala sa koleksiyon sa illegal vendors.

Kung kulang pa ang kumpas ni Station 2 Commander P/LtCol Gilbert Cruz para tumugon sa reklamo ang Asuncion PCP?  Baka kailangan na ang latigo ni MPD Director P/BGen. Arnold Thomas Ibay para magising sa pagtulog ang mga pulis sa naturang detachment.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.

 

Previous articleUPDATED LIST NG MGA VAT-EXEMPT NA GAMOT, INILABAS NG BIR  
Next articleDAPAT PIGILAN