NAGLABAS ang BIR o Bureau of Internal Revenue ng updated list ng mga gamot na hindi na kinakailangan na kunan ng VAT o value-added tax.
Nasa labing-anim na gamot ang exempted sa 12% VAT kabilang ang mga gamot sa cancer, diabetes, high cholesterol, hypertension, kidney disease, mental illness at tuberculosis.
Base ito sa rekomendasyon ng FDA o Food and Drug Administration na sinang-ayunan naman ng BIR alinsunod sa probisyon ng Republic Act No. 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law, at ng R.A. No. 11534 o ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act.
Inalis na rin ng BIR sa listahan ang Macitentan film-coated tablets base sa rekomendasyon ng DOH o Department of Health.
Simula taong 2019 ay nagsimulang i-exempt ng pamahalaan ang mga gamot para sa cardiovascular diseases at diabetes.
Sakop ng VAT exemption ang manufacturers, distributors, wholesalers, at retailers.
FDA NAGBABALA KONTRA SA PAGGAMIT
NG “GEL PATCH” NA PAMBATA
MAY babala ang FDA o Food and Drug Administration sa publiko hinggil sa pagbili at paggamit ng isang uri ng cooling gel patch para sa mga bata na mayroong sinat o lagnat.
Ayon sa FDA, ang medical device product na “Fever Aid for Kids ay walang kaukulang product notification certificate, ibig sabihin, hind ito dumaan sa kanilang pagsusuri kaya hindi nakatitiyak sa kalidad at kaligtasan nito.
Ang nasabing gel patch ay inilalagay sa noo ng isang batang may sakit para bumaba ang temperatura ng katawan nito.
Alinsunod sa Republic Act No. 9711 o ang FDA Act of 2009, ang paggawa, importasyon, paglalabas, pagbenta, pag-aalok, distribusyon, promosyon, at sponsorship ng isang health products ng walang kapahintulutan ng ahensiya ay ipinagbabawal.
Sabi ng FDA sa kanilang advisory, pinagbabawalan ang mga establisimyento na magbenta, magkaroon ng distribusyon at promosyon ng nasabing produkto hangga’t wala itong naipapakitang kaukulang papeles.
Humingi rin ng tulong ang ahensiya sa lahat ng law enforcement agencies at mga local government units na hindi dapat na nagkakaroon ng anomang transaksyon sa merkado ang produkto sa kani-kanilang mga hurisdiksyon.
Inatasan din ang BOC o Bureau of Customs na higpitan ang pagpasok sa bansa ng nasabing produkto.