ISASAMA ko lang ang boses ko sa mga nag-iingay para labanan ang Charter change. Napakahalaga sa akin ng usapin na ito, lalo na nga’t sinasabing kinabukasan ng bayan, ng mga anak at magiging apo ko ang nakasalalay dito.
Martial law baby ako at elementarya pa lang nang nangyari ang EDSA People Power. Ayan, lumantad tuloy ang edad ko. Nasa kolehiyo ako ng pangunahan ni dating Pangulong Ramos na maging Asia’s Rising Tiger ang Pilipinas. Naalala ko pa ang isang isyu sa Kamaynilaan noon ay ang hirap kumuha ng kasambahay, dahil halos lahat ng nasa probinsya ay meron trabaho sa mga factory at EPZA o Export Processing Zone Authority.
Nagsisimula ang karera ko bilang reporter ng panahon ni Erap at sa ligalig na termino ni dating Pangulong GMA o Gloaria Macapagal Arroyo. Umaayos na ang estado ng buhay ng pamilya namin noong panahon ng namayapang President Benigno Aquino III, kilala bilang PNoy. At magkahalong makulay at balisa sa ilalim ng maraming gyera ng administrasyon ni dating Pangulong Digong Duterte. Medyo alangan pa rin ang pakiramdam ko sa mabuway na simula ni Pangulong BBM.
Lahat sila, mula kay FVR ay nagtangkang baguhin ang Saligang Batas. At lahat sila ay nabigo.
Palagay ko dapat ay tigilan na ng mga pulitiko ang paghahangad nila na amendyahan ang Saligang Batas natin. Huwag na silang magtago sa pangangailangan daw na gawing mas maluwag ang mga probisyong pang-ekonomiko para umunlad ang bansa. Aminin na lang nila na ang adyenda talaga ay tanggalin ang limitasyon sa termino ng elected officials at baka nga tuluyan nilang gustong baguhin ang porma ng gobyerno tungo sa parlyamentaryo.
Kahit saan angulo tingnan, ang pagpupumilit na baguhin ang 1987 Philippine Constitution ay mapanghati na ganap. Maraming ayaw, pero mas makapangyarihan ang gustong ituloy ito. Maraming Pilipino ang hindi handa at kulang ang pag-unawa sa isyu, pero gustong madaliin ng ilang mga pulitiko. Ang tanong, bakit ba pinipilit at minamadali nila?
Isa pa, napakalaking gastusin ang pag-verify sa mga pirma, ang pagsasagawa ng Constituional Assembly at ang plebisito mismo. Kahit na nga ba merong badyet na P13 bilyon na naisingit sa 2024 national budget, hindi ba dapat ginamit na lang ito sa mga mas konkretong programa ng gobyerno?
Uulitin ko, tingin ko ay hindi kasagutan ang Cha-cha sa gutom, kahirapan, kawalan ng trabaho, trapik, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kakapusan sa edukasyon at katiwalian sa gobyerno.
Kaya dapat pigilan ang Cha-cha!