Home OPINION TULONG NG US SA ‘PINAS WALANG KAPALIT

TULONG NG US SA ‘PINAS WALANG KAPALIT

HINDI lang sa usapin ng pagbabantay sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea ang iginagawad ngayon ng gobyerno ng Amerika sa ‘Pinas kundi sangkaterbang mahahalagang papel ang ginagampanan pa rin ng itinuturing na sanggang-dikit na kaalyado nitong tinitingalang superpower ng sandaigdigan.

Kunsabagay hindi na bago sa sambayanan ang ginagawang pag-alalay ng mga Kano sa atin hinggil sa seguridad, ekonomiya, modernong kagamitan, trabaho at iba pang sadyang pinakikinabangan naman ng taumbayan na walang kapalit na ayuda.

Kabilang sa sangkatutak na tulong na ‘yan ng mga programa’t proyekto ay sa ilalim ng Millenium Challenge Corporation kung saan pinondohan nito ang pagpapagawa ng mga eskwelahan,drainage at water system sa mga bayan-bayanan katuwang ang Department of Social Welfare amd Development o DSWD na ipinatupad sa pamamagitan ng KALAHI-CIDDS noong nakalipas pa na mga taon.

Kamakailan lang ay binisita ng grupo ng MCC sa pamumuno ng Chief Executive Officer o CEO nitong si Alice Albright at iba pang opisyal ng United States Embassy kasama si DSWD Assistant Secretary for Specialized Program Florentino Loyola Jr.,ang bayan ng Bombon,Camarines Sur upang tingnan at alamin ang ipinagawang mga classroom sa ilang barangay dito na pinapasukan na ngayon ng mga kabataan.

Ilan lang ito sa mga proyektong binigyan ng pondo ng US na malaki naman ang tulong sa komunidad na sila mismong mga magulang ng mag-aaral na ito ang nagtulong-tulong sa kontruksyon ng mga eskwelahan na itinataguyod naman ng KALAHI, ang empowerment ng mga kababayan.

Batid ng mamamayan na hindi kayang pondohan ng gobyerno natin ang kakulangan ng classrooms, pagpapagawa ng water system at iba pang mga proyektong sagot sa mga pangunahing suliranin ng nakararaming kababayan kaya naman malaking bagay ang ganitong mga proyektong pinopondohan ng US sa ilalim ng Grants kung saan walang anomang babayaran ang ating gobyerno.

Inaasahang marami pang tulad nitong mga proyekto ang ibibigay ng Amerika sa bansa sa ilalim ng MCC at iba pang programang katuwang ng taumbayan sa patuloy na pagbangon nito mula sa hagupit ng krisis ng mga nakaraang taon.

Ibig sabihin, laging nakahanda ang mga Kano na umalalay sa atin nang walang kapalit kung saan hindi katulad ng China na nagbibigay nga ng “singkong duling” na ayuda subalit bilyones naman na yaman ng bansa ang kinakabig.