Home OPINION PEOPLE’S INITIATIVE, EL NIÑO AT MAGSASAKA

PEOPLE’S INITIATIVE, EL NIÑO AT MAGSASAKA

GAANO kaya kalaking halaga ng palay ang sisirain ng El Niño sa Pilipinas?

Magtatagal ang matinding El Niño hanggang Pebrero 2024 ngunit maaaring magtuloy-tuloy ito sa Marso hanggang Mayo bagama’t magsimulang maranasan ang kawalan ng El Niño at La Niña sa Abril hanggang Hunyo.

Dahil sa El Niño, ngayong Enero pa lamang, may nasira nang 4,738 metriko toneladang palay na nagkakahalaga ng P109.44 milyon, ayon sa  Department of Agriculture-Disaster Risk Reduction Management Operations Center (DA-DRRM).

Pero sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula lamang ito.

Binubuo ang Western Visayas ng Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo at Negros Occidental habang ang Zamboanga Peninsula – Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur at Zamboanga Sibugay.

Paano ang iba?

Sa kabuuan, mga Bro, may 82 lalawigan ang Pinas pwera ang Metro Manila.

Nasa 65 rito ang matatamaan ng malakas na El Niño hanggang sa katapusan ng Mayo 2024, ayon kay Science and Technology Secretary Renato Solidum Jr.

Sa Luzon, dumaranas na ng tagtuyot ang Apayao, Bataan, Cagayan, Cavite, Ilocos Norte, Kalinga, Palawan at Zambales.

Nagsimula na rin sa Basilan sa Mindanao, Abra, Aurora, Benguet, Ifugao, Ilocos Sur, Isabela, La Union, Mountain Province, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Occidental Mindoro, Pampanga, Pangasinan, Quirino, Rizal, Tarlac at kasama na ang Metro Manila.

TAG-ANI SA MARSO-ABRIL

Karaniwang tag-ani sa mga buwan ng Marso at Abril ngunit para ito sa mga umaasa sa tag-ulan at tag-araw.

Kaya karaniwang mga tanim sa Nobyembre-Disyembre ang naaani sa Marso at Abril dahil karaniwang apat na buwan ang buhay ng palay mula sa pagpupunla hanggang anihan.

Iba ang usapan sa mga irigadong palayan dahil pupwedeng magtanim dito ng tatlong beses sa isang taon kung itatanim ang mga palay na may tatlong buwang buhay.

Sa mga umaasa sa tag-ulan at tag-araw lang na pagtatanim at pag-aani ang higit na matatamaan ng El Nino, mga Bro.

Sinasabi ng Philippine Statistics Authority, may 4.8M ektarya ang palayan sa buong bansa at 3.29M ang may irigasyon habang 1.51M ang wala nito, kasama na ang mga matataas na lugar noong 2018 at itong huli ang matatamaan nang husto ng El Niño.

Sa ibang ulat ng DA at National Irrigation Administration noong 2022 at panahon ni ex-President Digong Duterte, 65 porsyento na sa kabuuang 3.128M ektaryang “irrigable” na palayan ang may patubig.

Nakatulong dito ang nagawang irigasyon sa panahon ni Pang. Digong na  “P631M Barbar Small Reservoir Irrigation Project (SRIP) sa Ilocos Sur na pinakikinabangan ng 1,156 magsasaka, P645M Benliw SRIP sa bohol na sumakop sa 400 ektarya at P1.391 bilyong Upper Malitubog Service Area sa North Cotabato na pinakikinabangan na ng 2,004 magsasaka.

Idineklara pa ni Pang. Digong na libre na ang patubig sa mga magsasaka.

PI INUUNA KESA MAGSASAKA, PAGKAING PINOY

Sa kabila ng dumarating na malaking problema ng mga magsasaka at malaking kakulangan ng bigas sa higit na nakararaming Pinoy, anak ng tokwa, itong People’s Initiative na may kasamang suhulan sa pagpapirma rito ang higit na inaatupag ng nakararaming kongresman.

Sa 316 na distrito, 44 lang, ayon kay Senate President Migz Zubiri, ang hindi lumalahok sa pirmahan at malaking pondo ng bayan ang winawaldas para sa PI na tinatawag ngayong Bribed o Pekeng Initiative.

Kayo, ha!