Home NATIONWIDE PDEA walang kinalaman sa Maguindanao shooting – regional director

PDEA walang kinalaman sa Maguindanao shooting – regional director

COTABATO CITY- “Hindi sangkot ang PDEA BARMM diyan!”

Ito ang mariing pahayag ni PDEA BARMM Regional Director Gil Cesar Castro kaugnay sa mga kumakalat na mga fake news o video clip sa sosyal media na nagsasangkot sa PDEA sa nangyaring shooting incident sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, kahapon, Nobyembre 14.

Ayon kay Castro, “the circulation of a video clip depicting a shooting incident, which led to some individuals falsely implicated that PDEA was involved in the event.”

Binalaan ng opisyal ang publiko na mag-ingat at huwag basta-basta maniniwala dahil inililigaw lang ng mga pekeng balita na ito ang paniniwala ng mga tao at ginugulo lang nito ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad.

“Individuals who make false accusations are subject to legal penalties,” paalala ng opisiyal.

Kaugnay nito, nabatid na bandang 5:40 ng hapon kahapon, dalawang menor de edad ang pinagbabaril sa naturang lugar ng mga hindi nakilalang suspek.

Ayon sa pulisya, ang dalawang biktima na parehong menor de edad ay residente ng Brgy. Kulalo, Mamasapano, Maguindanao del Sur.

Parehong nagtamo ng mga gunshot wounds sa kanilang mga katawan ang biktima na ikinasawi nila.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang mga suspek ay nakasakay ng kulay puting minivan.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang krimen. Rolando S. Gamoso