Home NATIONWIDE PDP-Laban inendorso si Bong Go sa 2025 senatorial race

PDP-Laban inendorso si Bong Go sa 2025 senatorial race

MANILA, Philippines – Pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa pag-endorso sa kanya para sa 2025 senatorial elections sa ginanap na National Assembly ng partido sa Davao City noong Biyernes.

Kasabay nito, muling pinagtibay ni Go ang kanyang pangakong patuloy na magseserbisyo sa publiko matapos tanggapin ang endorsement ng partido.

Kasama ang kapwa senador na si Ronald “Bato” dela Rosa at ang beteranong aktor na si Philip “Ipe” Salvador, si Go ay opisyal na hinirang ng partido para tumakbo sa darating na senatorial elections.

Lumikha ang partido ng isang espesyal na komite upang suriin ang iba pang posibleng “manok” sa pagkasenador na susuportahan nila sa 2025 midterm elections.

“Noong 2014, kaunti pa lang ang sumasama (sa PDP). Yung mga mukha ng mga naalala ko noon, yun pa rin ang nakikita at nandito pa rin. Salamat po sa inyong tiwala at suporta,” gunita ni Go noong iilan pa lamang sila sa partido kasama si dating Mayor at dating Pangulo Rodrigo Duterte.

“Hindi po magiging successful ang kanyang administration kung hindi po dahil sa inyong tiwala at suporta. Kami naman ni Sen. Bato, Philip Salvador, gusto po naming ipagpatuloy ang gobyernong may tapang at pagmamalasakit sa kapwa Pilipino,” sabi ni Go.

“’Yung magagandang programa po ni dating Pngulong Duterte, alam naman natin na nakapagdulot ito ng magandang pagbabago sa buhay ng mga Pilipino. Ito ang nais nating maipagpatuloy ngayon,” idinagdag ng senador.

Pinasalamatan ni Go ang pamilya Duterte at ang PDP Officials sa kanilang matatag na pangako sa serbisyo-publiko, sa pagsasabing: “Tatay Digong, Mayor Baste, Party President (Robin Padilla), at buong partido, salamat po sa pananatili kay dating Pangulong Duterte.”

Inupakan ni Go ang mga kritiko ni dating Pangulong Duterte at ipinunto ang kabalintunaan sa pulitika.

“Alam n’yo, ‘yung mga naninira ngayon, sila mismo noong unang panahon ang sumisipsip, ‘di ba?” ani Go na tumutukoy sa mga maiingay na kritiko ngayon ni Duterte na dating sipsip sa dating Pangulo.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan patuloy na pagiging tapat sa serbisyo at ito ang isang pangunahing aspeto ng pamumunong “Tatak Duterte”.

“Nasa atin po ang katotohanan at nasa atin po yung tapat na panunungkulan, yung tatak Duterte na panunungkulan,” giit niya.

Sa darating na halalan, nanawagan si Go sa sambayanang Pilipino na piliin nang mabuti ang kanilang mga pinuno at bumoto nang matalino para sa ikabubuti ng susunod na henerasyon.

Nanatiling umaasa at optimistiko sa hinaharap, tiniyak sa publiko na patuloy siyang maglilingkod sa abot ng kanyang makakaya at hindi sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa kanya upang makapaglingkod sa iba.

Sa kanyang talumpati, pinuri naman ni dating Pangulong Duterte si Go sa pagiging tapat nito sa serbisyo sa bansa.

Binanggit ni Duterte ang katangiang palaging ipinapakita ni Go at ito ay ang katapatan at pagtitiwala.

Binanggit din ni Duterte ang kababaang-loob at pagiging madaling lapitan ng senador ng mga taong pinangakuan niyang paglilingkuran.

“They have serve the country well… Hindi tayo lugi (sa kanila),” ang sabi ni Duterte ukol kay Go, maging kay Sen. Dela Rosa. RNT