MANILA, Philippines – Muling kinalampag ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para pagtulungang makabuo ng isang ‘transition fund’ na tutugon sa mga kagyat na pangangailangan ng Sulu, matapos itong mahiwalay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa pagdinig para sa panukalang badyet para sa 2025 ng Department of Interior and Local Government (DILG) at attached agencies nito, tinanong ni Tolentino, na syang namuno sa pagdinig, si Interior Secretary Benhur Abalos kung paano tinutulungan ng ahensya ang Sulu sa transisyon nito mula BARMM tungong Region X.
Ang Region IX, o Zamboanga Peninsula, ang sinasabing sasalo sa pangangasiwa sa inihiwalay na probinsya.
Bilang tugon, inihayag ni Abalos na maging sila ay nagulat sa pagkakahiwalay ng Sulu sa BARMM, batay sa utos ng Korte Suprema, na aniya’y immediately executory.
“Nakipag-ugnayan na kami sa Ministry of the Interior Local Government ng BARMM kung maaaring mag-status quo muna. Gayunpaman, sinisikap din naming kumalap ng pondo para matulungan ang Sulu,” pagbabahagi ni Abalos.
Inusisa rin ni Tolentino ang Department of Budget and Management (DBM) kung nakapaglabas na ito ng kaugnay na direktiba para sa mga ahensya ng pamahalaan.
Sagot ni Director Carlos Castro ng DBM, kasalukuyang nagbabalangkas ng direktiba ang ahensya para itatag ang isang ‘funding mechanism’ para sa Sulu na tutugon sa mga probisyon nito, gaya ng sweldo ng mga kawani, serbisyo gobyerno, at maging ang isang transition fund para sa lalawigan.
Ipinaalala ni Tolentino, dapat pabilisin ang pag-iisyu ng direktiba para masigurong di mapuputol ang operasyon ng mga lokal na pamahalaan ng Sulu.
“Higit sa DILG, dapat ding magsimula ng ganitong inisyatiba ang iba’t ibang pangunahing ahensya, gaya ng Department of Health, Department of Agriculture, Agrarian Reform, DSWD, at iba pa. Dapat tayong magtulungan para sa Sulu,” pagtatapos nya. RNT