Home NATIONWIDE Peace adviser Galvez, BSP Gov. Remolona nanumpa sa harap ni PBBM

Peace adviser Galvez, BSP Gov. Remolona nanumpa sa harap ni PBBM

MANILA, Philippines- Pinangasiwaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes ang panunumpa ni Eli Remolona, bilang bagong governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at Carlito Galvez Jr., bilang Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity.

“Nanumpa kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw ang bagong mamumuno sa Bangko Sentral ng Pilipinas na si Governor Eli Remolona at ang nagbabalik muli na kalihim ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity na si Secretary Carlito Galvez Jr.,” pahayag ng Presidential Communications Office (PCO) sa isang Facebook post.

Itinalaga ni Marcos ang international banker na si Remolona bilang BSP governor nitong Hunyo, sa pagtatapos ng termino ni dating Governor Felipe Medalla nitong Linggo.

Samantala, nanungkulan naman si Galvez bilang Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity sa termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Dating Philippine Army general, si Galvez din ang vaccine czar ng bansa at pinuno ng National Task Force Against COVID-19 sa nakaraang administrasyon.

Nanumpa rin sa harap ni Marcos si Asec. David Angelo Vargas bilang Assistant General Manager for Operations ng Metropolitan Manila Development Authority, at Vener Baquiran bilang bagong deputy commissioner ng Bureau of Customs. RNT/SA