Home NATIONWIDE Trust, approval rating ni PBBM, VP Sara ‘stable’ sa unang taon –...

Trust, approval rating ni PBBM, VP Sara ‘stable’ sa unang taon – sarbey

MANILA, Philippines- Makalipas ang isang taon sa kanilang termino, nanatiling stable ang approval at trust rating nina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte, ayon sa Pahayag 2023 Second Quarter Survey.

Hindi lamang ang dalawang mataas na opisyal ng bansa ang nagkaroon ng “stable status” kundi maging sina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Senate President Juan Miguel Zubiri at Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo.

Base sa survey mula 60% sa unang quarter ay naging 62% sa ikalawang quarter ang approval rating ni Pangulong Marcos, lumilitaw na ang bahagyang pagtaas ay bunsod ng pag-apruba na nakatanggap ng Pangulo sa Visayas, mga katoliko at sa government workers.

Napanatili naman ni VP Duterte ang kanyang approval rating sa 67%, ang bulto ng suporta na natanggap nito ay mula sa Mindanao kung saan siya nakakuha ng 79%.

Pagdating sa trust rating ay bumaba nang bahagya sa North Central Luzon (NCL) si Pangulong Marcos na nakakuha ng 54% habang 61% naman si VP Sara.

Pero nilinaw ng Pahayag survey na kung susumahin ang nakuhang approval at trust rating ng dalawang pinakamataas na lider ng bansa ay nanatili itong stable.

“But it remains to be ‘statistically stable’,” paliwanag sa survey.

Lumilitaw na ang pagbaba sa trust rating nina Marcos at Duterte ay mula sa hanay ng mga respondents na nasa edad 18 hanggang 24 anyos gayundin mula sa mga pamilya ng Overseas Filipino workers (OFWs).

Samantala, sa panig ni House Speaker Martin Romualdez ay nakakuha ito ng 42% approval at 32% trust rating.

Si Senate President Juan Miguel Zubiri ay mayroong 48% approval rating sa ikalawang quarter, bahagya itong tumaas mula sa 47% sa unang quarter habang mula 37% ang trust rating mula sa 38% sa unang quarter.

Stable rin ang rating na nakuha ni Chief Justice Alexander Gesmundo na nakakuha ng 38% approval sa ikalawang quarter mula sa 39% at kaparehas pa rin na 32% ang trust rating.

“Overall, the report indicates a relatively stable trust and approval rating for government officials and agencies, reflecting the public’s ongoing commitment to the welfare of the country. As the nation moves forward, these insights provide valuable information for policymakers and decision-makers to better serve the needs and expectations of the Filipino people,” ayon sa survey.

Ang PAHAYAG 2023 Second Quarter Survey (PQ2) ay isinagawa ng PUBLiCUS Asia Inc sa pagitan ng Hunyo 7 hanggang 12, 2023 sa may 1,500 respondents na kinuha mula sa market research panel na may 200,000 Filipino. Gail Mendoza