MANILA, Philippines – Arestado ang isang 24-taong-gulang na babae na nagpanggap na abogada makaraang magreklamo ang kanyang biniktima sa Taguig City Miyerkules ng umaga, Abril 29.
Sa report ng Taguig City police ay nakilala ang nadakip na suspek na si alyas Lauraine, 24, na nahaharap sa kasong paglabag sa Art. 177 (Usurpation of Authority) at Art. 315 (Swindling/Estafa) ng Revised Penal Code.
Inaresto ang suspek malapit sa Makati City Jail sa Barangay Post Proper Northside kung saan kausap nito ang isang kliyente na kanyang bibiktimahin kung saan nag-alok siya ng kanyang serbisyo bilang abogada sa nabanggit na jail facility.
Base sa isinagawang imbestigasyon, nahikayat ang biktima sa matamis na pananalita ng suspek kung kayat nakapagbigay ito ng inisyal na kabayaran bilang acceptance at legal fees ngunit nang kanyang i-verify sa opisyal na listahan ng mga abogado sa Korte Suprema ang pangalan ng suspek ay wala ito sa nabanggit na listahan.
Nang hanapan ng biktima aang suspek ng kanyang IBP license at ng PRC ID ay wala itong maipakita sa kanya kung kayat agad siyang inalerto ang mga awtoridad na nagresulta ng pagdakip sa suspek.
Narekober sa suspek ang kanyang National I.D.; P1,000 at 98 piraso ng tig-P500; at isang MacBook Neo.
Matapos maaresto ay dinala ang suspek sa Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) para sa paghahanda ng kanyang inquest proceedings sa Taguig City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)