MANILA, Philippines – Humihirit ang Philippine National Police (PNP) ng mas agresibo at pinag-isang hakbang laban sa mga cybercriminal dahil sa patuloy na pagdami at pagiging mas sopistikado ng mga online scam.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., malaking tulong ang planong pagbuo ng National Anti-Scam Hub (NASH) upang mas maging epektibo ang paglaban sa cybercrime at maprotektahan ang publiko, lalo na ang mga bata.
“Your PNP has always been all-out in crafting measures and in supporting any effort to make the cyberspace safe for everybody. The government’s unified action is important in addressing the increasing sophistication of online fraud schemes and other cybercrimes,” ani Nartatez.
Sinabi niya na inatasan na ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) na maghanda para sa magiging papel nito sa naturang hub, na inaasahang magsisilbing sentral na platform para sa pagtanggap ng ulat ng scam at mas mabilis na aksyon ng iba’t ibang ahensya.
Ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), layunin ng NASH na pag-isahin at gawing mas simple ang mga proseso ng gobyerno sa pagtugon sa cybercrime, kabilang ang mga scam sa online platforms, text, at tawag.
Kasama sa inisyatiba ang iba pang ahensya gaya ng Office of the Executive Secretary, Presidential Anti-Organized Crime Commission, at Philippine Center on Transnational Crime, bukod sa iba pang law enforcement bodies.
Dagdag ng PNP chief, patuloy ang koordinasyon ng PNP sa mga ahensya habang hinihintay ang pormal na paglulunsad ng hub, at binigyang-diin ang kahalagahan ng kahandaan ng mga cybercrime units.
Giit niya, kailangan ang sabayang pagkilos ng gobyerno upang labanan ang lumalalang online fraud na patuloy na nakakaapekto sa publiko. RNT/MND