MANILA, Philippines – Nasakote ang isang panggap military intelligence officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan ibinabandera niyang itinalaga umano siya ng business tycoon na si Ramon S. Ang.
Sa loob ng mahigit isang linggo, nilinlang ni Sheena Mae Tag-at ang awtoridad at pinag-uutusan umano ang pulisya at iba pang safety officer ng NAIA.
Nitong Miyerkules lamang, Sept, 25, nalaman ng mga awtoridad ng NAIA na siya ay isang pekeng appointee at isang pekeng military intelligence officer reservist, na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Sinabi ng mga awtoridad sa paliparan na naroon si Tag-at sa ceremonial turnover para sa pamamahala at pangangasiwa ng NAIA sa San Miguel-led consortium na New NAIA Infra Corporation noong Setyembre 13.
Pagkatapos mismo ng seremonya, ipinakilala ni Tag-at ang kanyang sarili bilang bagong pinuno ng seguridad, gamit ang kanyang background sa intelligence ng militar bilang mga kredensyal.
Pinag-uutusan umano niya ang lahat ng supervisor at tauhan ng pulisya.
Nalaman na lamang ng mga awtoridad sa paliparan ang kanyang modus matapos na mabuking ang kanyang mga gawa-gawang report na ipinapadala sa security agency.
Ikinasa ang isang background check at dito nadiskubreng hindi konektado ang suspek sa militar. RNT