Home NATIONWIDE Pekeng overseas job posting ibinabala ng DWM

Pekeng overseas job posting ibinabala ng DWM

MANILA, Philppines – Binalaan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang publiko laban sa pekeng overseas job posting na ina-advertise sa social media.

Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ang illegal posting ay ginagamit ang  mga pangalan, address, at logo ng mga lehitimong recruitment agencies na may lisensya at DMW para linlangin ang mga prospective na aplikante.

Sinabi ni Cacdac na ang mga alok ng trabaho sa ibang bansa ay nagsasangkot ng mga direktang hiring scheme na labag sa batas at walang pag-apruba ng DMW.

“The DMW encourages Filipino workers seeking overseas employment to deal only with licensed recruitment agencies,” sabi sa abiso.

Sinabi ni Cacdac na ang isang alok ng trabaho na nangangailangan ng maagang pagbabayad ng mga bayarin sa pamamagitan ng electronic transfer ay isang matatag na indikasyon ng isang scam.

Nabanggit din niya na ang anumang transaksyon na may kaugnayan sa mga aplikasyon sa trabaho sa ibang bansa ay dapat isagawa sa loob ng rehistradong address ng negosyo ng isang lisensyadong recruitment agency.

Binanggit din ni Cacdac na ang pagkolekta ng mga bayarin mula sa isang manggagawa o isang aplikante ay dapat palaging may kasamang opisyal na resibo, na nagsasaad ng halagang binayaran at ang layunin ng pagbabayad.

Batay sa datos noong Agosto ngayong taon, may kabuuang 23,731 o 97.28 porsiyento ng 24,398 na mga account at post na nag-aalok ng mga pekeng trabaho sa ibang bansa ang tinanggal at na-deactivate ng Meta Philippines ayon sa kahilingan ng DMW.

Samantala, inalis ng TikTok Philippines ang 9,436 accounts at posts o  85.37 percent, mula sa  11,053 na hiniling ng DMW.

“The DMW encourages the public to be vigilant and immediately report any suspicious or suspected illegal online recruitment activities to the DMW Migrant Workers Protection Bureau official email address [email protected] or through their Facebook page https://www.facebook.com/dmwairtip,” sabi ni Cacdac.

Maaaring tingnan mula sa DMW website https://dmw.gov.ph/ ang mga listahan ng mga aprubadong job order, impormasyon tungkol sa mga lisensyadong recruitment at manning agencies, iskedyul ng mga job fair na nag-aalok ng mga akreditadong job order sa ibang bansa at recruitment specification form para sa mga oportunidad sa trabaho sa ilalim ng government-to-government recruitment program ng departamento. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)