GRABE ngayon ang mga pagbaha sa Central Europe dahil sa malalakas na pag-ulan na dala ng bagyong
Boris.
Sa ngayon, may 16 nang patay kabilang ang 5 sa Poland; 7 sa Romania na may maraming lumubog na bahay; at 1 sa Czech Republic.
May mga pagbaha rin sa Austria, Slovakia at Hungary.
Dugtong-dugtong ang mga bansang ito at maraming tulay sa pagitan ng mga ito na nasira at nawasak sa lakas ng mga baha na rumaragasa mula sa kabundukan at matataas na lugar patungo sa mas mababang lugar.
Ang mga bansang Poland at Romania ang higit na pininsala ng mga baha ngunit sinasalakay na rin nito ang Slovakia at Hungary sa pagragasa ng Danube River.
Bukod sa mga namatay, kahit mayayamang bansa ang mga ito, malawakan din ang paghihirap ng mga natamaan ng baha.
Kabilang sa mga pangunahing problema ang kawalan ng malinis na tubig-inumin, pagkain sa mga bahay-bahay na lumubog, pagkasira ng mga bahay at hanapbuhay at iba pa.
Pinakikilos ng mga bansang ito ang libo-libo nilang bumbero, pulis at sundalo upang sagipin ang mga nabaha na nasa mga bubong ng mga bahay o maghatid ng mga pagkain at iba pang mga pangangailangan ng mga biktima.
LIBO-LIBONG PINOY
Libo-libo ang Pinoy na naninirahan o nagtatrabaho sa mga bansang ito bilang overseas Filipino worker at tiyak na may mga naapektuhan sa mga ito ng kamatayan at iba pang krisis na dala ng mga malawakang pagbaha.
Sa Poland, may 29,154 Pinoy; Romania, 1,500; Czech Republic, 7,026; Austria, 13,500; Slovakia, 182; at Hungary, 16,000.
Kasabay ng baha sa Europa ang malaki ring pagbaha sa bansang Nigeria.
At may 4,500 Pinoy rito.
Sa Maiduguri City, 30 na ang patay habang 270 preso sa isang nagibang bilangguan ang missing, kasama ang mga kilabot na Boko Haram sa pangingidnap ng mga bata sa mga eskwelahan.
Nasa dalawang milyong tao ang naapektuhan sa baha at gayundin na may malaking problema sa pagkain, gamot at paninirahan.
PAGKILOS NG PAMAHALAAN
Hindi biro-biro, mga Bro, ang mamatay at maghirap dulot ng mga bagyo, baha at iba pang mga kalamidad na dala ng mga ito.
At sa nagaganap sa mga dayuhang bansang nabanggit, tiyak na may nabiktimang mga Pinoy.
Sa pagiging biktima nila, tiyak ding apektado ang libo-libong pamilya nila sa ating bansa dahil sa masamang kalagayan ng kanilang mga padala.
Magiging pabigat naman sa pamahalaan ang anomang paghihirap ng mga pamilya-OFW.
Ngayon, ano-ano na ang mga pagkilos ng ating pamahalaan para ayudahan ang mga Pinoy o OFW na labis na apektado ng mga bagyo, ulan at baha sa nasabing mga bansa?
At ano-ano ang mga pagsubaybay at ayuda na inilalahad nito sa mga pamilya-OFW sa ating bansa?
Nagtatanong tayo, mga Bro, dahil walang gaanong naririnig ukol sa mga bagay na ito mula sa nakararaming kongresman at senador, na sa bandang huli ay magpupunta sa ibang bansa para mangampanya kaugnay ng halalang 2025.
Kung meron mang naririnig mula sa bibig ng mga ito, ang mga paninira sa kanilang mga kalaban.