MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang babae kasama ang isang Australian national, matapos na magtangkang magdeposito ng pekeng US dollars sa isang commercial bank sa Arnaiz Avenue, Bgy San Lorenzo, Makati City hapon nitong Miyerkules, Nobyembre 20.
Aabot sa $496,400 o P27,600,000 ang mga pekeng perang dolyar na kung nakalusot na maidreposito sa banko ay malaki ang magiging epekto sa pera ng bansa, sabi ni Atty. Mark Fajardo, senior investigation officer ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
“Malaking effect sa Philippine peso it will create doubt sa integrity kasi sa financial system, kawawa yung mapapasahan nito lalo na ordinaryong negosyo,” sabi ni Fajardo sa pahayag.
Sa imbestigasyon, lumitaw na nagkaroon ng pag-aabiso ang mga suspek sa manager ng banko na magdedeposito sila ng dolyares kinabukasan sa account ng Australyano, at iwiwithdraw rin agad; duon na nagduda ang manager at humingi ng tulong sa mga awtoridad.
idedeposito umano ng dalawang Pinay sa ilalim ng account ng isang Australyano ang mga pekeng pera, pero nahalata umano ng bank manager ito kaya agad na inalerto ang mga bank security personnel na tumawag ng mga pulis.
“Bago pa magpunta sa bangko itong mga suspek natin yung may-ari ng account which is yung foreign national, ay ininform na yung bank manager na meron siyang papasok na funds, after pumasok nung funds pupunta rin siya sa bangko dahil wiwithdrawhin niya rin ito, so kahapon allegedly magkakasama sila pumasok doon sa bangko yung magdedeposito at dedepositohang account,” sabi ni PMajor Marvin Inocencio, Chief, Station Investigation and Detective Management Makati City Police.
Mariin naman ang pagtanggi mga suspek na sila sy mambubudol, at nagpunta lamang umano sa banko para ipa-check kung peke ang bitbit nilang malaking halaga ng pera.
Kuwento nila: “Kaya po namin yan dinala sa bangko para ipacheck po sa bangko kung totoo o hindi, ipapacheck po namin dahil hindi po kami marunong mag-scrutinize ….if it’s real or not ,” sabi ng mga suspek.
Todo tanggi naman ang dayuhang suspek na konektado sa mga pekeng dolyar.
“Nalaman na rin natin na itong pera na ito ay idedeposito sa account ng foreign national dahil gagamitin naman ito ipapasa sa NGO para magkaroon ng mga charitable activities diumano; lumalabas na ginagamit lang nila itong bangko para linisin yung pera, maaaring kaso ng money laundering,” sabi ni Inocencio.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Emanuel, Australian national/ tourist; Jessirose, 59, HR ng isang foundation, at Imelda, 59, isang retired accountant.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o ang illegal possession and use of false treasury or banknotes ang mga suspek. Dave Baluyot