Home NATIONWIDE People’s Initiative, nagresulta ng away ng Senado at Kamara – Gatchalian

People’s Initiative, nagresulta ng away ng Senado at Kamara – Gatchalian

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Sherwin Gatchalian na hindi dapat sisihin ang word war sa pagitan ng Senado at House of the Representatives kung hindi sinaklikwat ni Speaker Martin Romualdez ang pagsusulong ng people’s initiative (PI).

Layunin ng pekeng PI na lusawin ang kapangyarihan ng Senado na bumoto nang hiwalay sa pagbabago sa anumang probisyon sa 1987 Constitution dahil mas marami ang miyembro ng Mababang Kapulungan kaysa Mataas na Kapulungan kaya nagkaroon ng sigalot.

“Wala namang gulo, eh. Ang Senado ay rumeresponde lang sa mga sinasabi ng kongresista,” ayon kay Gatchalian sa interview.

“Nag-umpisa lang ang gulo nung tinatanggal nila (Kamara) ang check and balance ng ating bansa. Wala namang ganito [word war between Senate and House] nung wala ang people’s initiative,” dagdag ng senador.

Ipinaliwanag pa ni Gatchalian na nagsara ang sesyon ng Senado noong nakaraang taon nang mapayapa, alinsunod sa itinakda ng Legislative Calendar, pero nang sumapit ang Enero, biglang sumingaw ang isinusulong ng PI ni Romualdez na nangangalap ng lagda kapalit ng P100 ayuda.

Kaya’t mahigpit na tinutulan ng Senado ang PI na isinusulong ni Romualdez dahil pulitiko lamang ang makikinabang, hindi ang bayan dahil lulusawin ang checks and balances sa ating sistema.

“Hindi naman tama na Kamara lang ang magdedesisyon para sa kinabukasan ng bansa,” aniya.

Kamakailan, lumutang ang planong maghain ng resolusyon ngayon sa Mababang Kapulungan na nagsasabing “unwavering solidarity and support” sa liderato ni Romualdez.

Isusulong din sa resolusyon ang pagtataguyod na nagsasabing: “integrity and the honor of the House of Representatives in the face of intent assault from the Senate in violation of the principle of inter-parliamentary courtesy and undue interference in the performance of its legislative and constituent functions.”

“Dalawa ang mensahe nito. Ipinapakita nito na buong buo pa rin ang suporta kay House Speaker Romualdez. Pangalawa, ‘yung sinasabing interference, wala namang nangyayaring interference dahil ang pag-iimbestiga, lumalabas ang pangalan ng mga kongresista,” ayon sa Gatchalian.

“Hindi natin maiaalis na dito sa ginagawang imbestigasyon, lumalabas ang kamay ng mga kongresista. Hindi rin maiaalis na sila ang nasa likod ng people’s initiative,” dagdag niya.

“Ang puno’t dulo nito ay ang people’s initiative. Kung ititigil ang people’s initiative, titigil ang lahat ng ito,” aniya pa.

Nitong Enero 23, nagpasa ang Senado ng isang manipesto na komokondena sa PI ni Romualdez na may layunin na amendahan ang 1987 Constitution na boboto nang magkasanib ang Kongreso sa constitutional amendments sa pamamagitan ng constituent assembly.

Pinatotohanan naman ni Senador Alan Peter Cayetano na nagdulot ng kaguluhan sa miyembro ng Senado at Kongreso, ang pagsusulong ng PI na hindi dapat masyadong bigyang pansin.

“‘Kapag binaboy at mali ‘yong proseso, mali na ‘tong lahat… Remember, the Senate and House are two halves of one whole… We have to be wary, where we want to spend our political capital,” wika ng senador tungkol sa mga shortcut na gustong ipanukala ng PI.

Sinuspinde na ng Commission on Elections (COMELEC) ang lahat ng petisyon para sa PI noong January 30.

Kasunod ng mga naganap sa PI at RBH 6, nagkasundo ang Senado at Kongreso sa isang ceasefire tungkol sa PI nitong February 4. Pumayag na rin ang Senado na ihinto ang imbestigasyon nito sa PI. Ernie Reyes