Home ENTERTAINMENT ‘Pepsi’ movie, di tuloy sa Feb 5!

‘Pepsi’ movie, di tuloy sa Feb 5!

Manila, Philippines – Hindi tuloy ang pagbubukas ng pelikulang The Rapists of Pepsi Paloma sa mga commercial theatre sa February 5, Miyerkules.

Ito mismo ang kinumpirma ng direktor nitong si Darryl Yap sa kanyang Facebook.

Ani Yap, ikinalulungkot ng mga producer ng pelikulang halaw sa buhay ng nasirang bold star ang ‘di pagpapalabas nito.

Ito’y sa dahilang bigo ang mga producer nito na agarang kumpletuhin ang mga kinakailangang dokumento.

Certificate o clearance of no pending criminal, civil o anupamang uri ng kaso mula sa Muntinlupa Regional Trial Court ang isa sa mga dokumentong hinihingi ng MTRCB.

Pinag-aaralan ngayon ni Yap na mauna itong ipalabas sa labas ng bansa o sa mga streaming platforms.

Ipinagpapaliban muna ang commercial showing nito dahil puno rin ang buong buwan ng February at March ng mga playdates ng ibang mga pelikula.

Matatandaang nagsampa ang kampo ni Vic Sotto ng 19 counts of cyber libel laban kay Yap.

Bunsod ito ng teaser ng pelikula kung saan malinaw na binanggit ang pangalan ng TV host ng Eat Bulaga sa dialogue sa pagitan nina Gina Alajar at Rhed Bustamante.

Si Gina ang gumaganap bilang si Charito Solis samantalang si Rhed ang pumapapel bilang Pepsi.

Kinatigan ng Muntinlupa court kinalaunan ang writ of habeas data na inihain ng kampo ni Vic, na tinawag na “victory” ng misis nitong si Pauleen Luna para sa pamilya ng TV host.

Unang naging kontrobersyal si Yap sa pelikulang Maid in Malacañang na nasundan ng Martyr or Murderer.

Si Yap din ang direktor ng pelikulang Revirginized na pinagbidahan ni Sharon Cuneta.

Samantala, itataon sana ni Yap ang pagpapalabas ng TROPP sa 40th death anniversary ni Pepsi na aniya’y kababayan niya sa Olongapo. Ronnie Carrasco III