MANILA, Philippines- Pinasasagot ng Supreme Court (SC) ang Malakanyang kaugnay ng petisyon para ipawalang-saysay ang General Appropriations Act of Fiscal Year 2025 (GAA).
Sa resolusyon ng SC En Banc, inatasan nito ang mga respondents na House of Representatives, Senado at si Executive Secretary Lucas Bersamin na maghain ng komento sa petisyon sa loob ng 10 araw.
Kabilang sa mga petitioner ay sina Atty. Vic Rodriguez at Davao City Rep. Isidro Ungab, Rogelio Mendoza, Roseller dela Peña, Benito Ching Jr., Redemberto Villanueva, Santos Catubay at Dominic Solis.
Tinawag nilang ilegal at unconstitutional ang 2025 national budget dahil sa mga umano’y iregularidad at blangkong items sa bicameral conference committee report (Bicam).
Inakusahan ng mga petitioner ang Bicam na nakagawa ng grave abuse of discretion nang lagdaan ang committee report sa 2025 national budget kahit meron umano itong mga blangko.
Iginiit ng mga petitioner na ang pagtanggal ng budget sa PhilHealth mula sa 2025 GAA ay may hindi magandang epekto sa isinusulong na reporma sa ilalim ng Universal Health Care Act.
Inakusahan din ni Rodriquez ang mga senador at kongresistang hindi tumutol upang maipasa ang national budget na kasabwat umano sa tinawag niyang “biggest money heist.” Teresa Tavares