MANILA, Philippines – Tumaas ng 2.6% ang padalang remittance ng mga overseas Filipino workers noong Marso 2025 kumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Umabot sa $2.81 bilyon ang cash remittances sa mga bangko noong Marso, mas mataas kaysa $2.74 bilyon noong Marso 2024 at mas mataas din kumpara sa Pebrero 2025.
Sa unang tatlong buwan ng 2025, umabot sa $8.44 bilyon ang total cash remittances, tumaas ng 2.7% mula noong 2024. Nangunguna sa pagpapadala ng pera ang United States, Singapore, Saudi Arabia, Japan, at United Arab Emirates.
Tumaas din ng 2.6% ang personal remittances na kinabibilangan ng informal na padala, na umabot sa $3.13 bilyon noong Marso. Ang mga OFW na may kontrata ng higit sa isang taon ay nagpadala ng $2.4 bilyon, habang ang may maikling kontrata naman ay $0.66 bilyon.
Nagkaroon ng pansamantalang pagtigil sa remittance mula sa ilang tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang protesta sa kanyang pag-aresto ng International Criminal Court, ngunit ayon sa mga eksperto, posibleng naidelay lang ito at hindi mababawasan ang kabuuang padala. RNT