MANILA, Philippines – Ipinababasura ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo sa Department of Justice ang mga kasong perjury at falsification na isinampa laban sa kanya kaugnay sa nilagdaan na notarized document kahit wala siya sa Pilipinas.
Iginiit ng legal counsel ni Guo na si Atty Stephen David na hindi dapat kasuhan ang kanyang kliyente ng perjury at falsification dahil siya ang pumirma sa kontra salaysay sa hiwalay na kasong qualified trafficking na isinampa laban sa kanya at iba pang akusado.
Sinabi ni David na hindi maituturing umano na falsification ito dahil pre-signed na ang dokumento.
“Ngayon kung sino ang nagnotaryo ,‘yun dapat ang tanungin natin,” ani David.
Si Atty Elmer Galicia ang nag notaryo ng kwestyunableng counter-affidavit noong Aug. 14 kahit nakatakas na palabas ng bansa si Guo noong July 18 at naibalik lamang sa Pilipinas noong September ng mahuli ng Indonesian authorities.
Iginiit ng mga otoridad na imposibleng nakaharap at napanumpaan pa ni Guo ang kanyang salaysay dahil nakalabas na ito ng bansa sa panahon na iyon. Teresa Tavares