MANILA, Philippines – Naghain si Vice President Sara Duterte noong Miyerkules ng kasong perjury laban kay Ramil Madriaga, ang umano’y dating aide na nag-akusang pinondohan ng drug dealers at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang kanyang kampanya.
“Dahil dito, ngayong araw ay naghain ako ng kasong perjury laban kay Ramil Madriaga upang tuluyang mapanagot siya sa kanyang mga kasinungalingan,” ani Duterte sa isang pahayag.
“Hindi maaaring hayaang gamitin ang mga imbentong kwento upang linlangin ang publiko,” dagdag pa niya.
Inihain ang reklamo sa Taguig City Prosecutor’s Office. Ayon sa ulat ni Manny Vargas sa Super Radyo dzBB, sinamahan siya ng kanyang legal counsel na si Paolo Panelo Jr.
Matatandaang noong Disyembre 2025, inakusahan ni Madriaga na pinondohan umano ng drug dealers at POGO operations ang Inday Sara Duterte is My President (ISIP) Pilipinas national campaign at iba pang kaakibat na grupo. Isinama ang mga alegasyong ito sa impeachment complaint laban kay Duterte.
Ipinahayag din ni Madriaga ang kahandaang tumestigo.
Itinanggi naman ni Duterte na may personal siyang ugnayan kay Madriaga at iginiit na layunin lamang umano nitong sirain ang kanyang posibleng planong tumakbo sa pagkapangulo. Cesar Morales