Home METRO Permanent checkpoint ipinatatayo sa Marilaque

Permanent checkpoint ipinatatayo sa Marilaque

Nanawagan si Senador JV Ejercito sa Philippine National Police (PNP) at local government units sa Rizal na magtayo ng permanent checkpoint sa Marilaque upang maiwasan ang aksidente sa lugar.

Ganito ang apela ni Ejercito matapos magkaroon ng sunod-sunod na aksidente sa Marilaque Highway partikular ang mga motorcycle rider na gumagawa ng kakaibang stunt tulad ng “superman” habang binabagtas ang lansangan.

“I would like to appeal on the the PNP and to the local government na gawing permanent na doon yung nagbabantay para matigil na yung ano doon sa Marilaque, yung accidents,” ayon sa senador sa ginanap na Kapihan sa Senado forum.

“Marilaque is ginagamit na playground kasi nga maganda. Yung mga coffee shops and restaurants, ‘yan na po ang number 1 tourism destinations ng Rizal, yung Marilaque. Nauso yung pagiging ‘superman’ doon,” dagdag ni Ejercito, na isang motorcycle enthusiast.

Tinutukoy ni Ejercito ang mapanganib na stunt na ginawa ng motorcycle riders an hihiga sa sasakyan habang tumatakbo nang mabilis sa naturang lansangan.

Inihayag ng Highway Patrol Group na may limang road sections sa scenic road na kung saan gumagawa ang ilang motorcycle riders ng exhibitions, na tila nanghahamon sa awtoridad. Kabilang sa seksiyon ng daan ang Devil’s Corner sa bayan ng Tanay na kung saan maraming riders ang nagpupunta.

Iniulat ng awtoridad na nakapagtala ng isang aksidente kada araw sa Marilaque Highway na nitong Enero, umabot sa 13 aksidente ang naitala.

Ayon kay Ejercito, hindi siya nakapupunta sa Marilaque sanhi ng aksidente sa nakalipas na dalawang taon,

“Actually, I voiced this out already. Nagsabi na ako sa PNP, sa Rizal officials nag-lagay naman na sila ng checkpoints, sa areas na kailangan kaso nagtuloy-tuloy pa rin e. Actually we also had make Marilaque safe before kaya lang nagbalik na naman,” aniya.

Umaasa si Ejercito na makabubuo ng solusyon ang PNP at LGU upang tuluyan nag maiwasan ang aksidente sa lugar.

“So hopefully, talagang mawala na yung mga nagka-karera, nagpe-perform ng stunts. Sayang kasi, Marilaque is so beautiful. Masarap sana mag bisikleta diyan, natatakot na rin akong pumunta doon. Maraming drivers na natatakot doon because of these individuals that are making… na ginagawa siya race track and performing stunts. Nagulat nga ako dun sa ‘Superman’, ba’t nauso yan,” aniya. Ernie Reyes