MANILA, Philippines- Pinagtibay ng Commission on Elections (Comelec) ang desisyon na permanenteng pagdiskwalipika kay dating Senator Sergio Osmena III mula sa kanyang pagtakbo para sa pampublikong opisina matapos mabigong maghain ng kanyang state of contributions and expenditures (SOCE) ng dalawang beses nang tumakbo siya bilang senador noong 2010 at 2016.
Sa 16 pahinang desisyon na inilabas noong Biyernes, tinanggihan ang motion for reconsideration na inihain ni Osmena laban sa resolusyon ng Comelec second division na inilabas noong Enero 2020 na nagpapataw ng perpetual disqualification at administrative fibes laban kay Osmena.
Noong October 2018, naghain ang Comelec Finance Office ng petition for disqualification laban kay Osmena para sa pagkabigong maghain ng SOCE nang tumakbo siya bilang sendor noong 2010 at 2016 national and local elections (NLE) sa kabila ng pagpapalawig ng filing period.
Kalaunan ay inamin ng Osmena na inihain ang kanyang SOCE noong huling bahagi ng 2010 ngunit ipinaliwanag niyang masyado siyang abala sa campaign manager ng yumaong si dating Pangulong Benigno Aquino III.
Noong 2016, sinabi ni Osmena na magulo ang kanyang opisina pagkatapos ng halalan kaya hindi siya nakapagsumite ng ulat sa tamang oras.
Ayon sa Comelec en banc, nabigo si Osmena na maghain ng mga bagong usapin o isyu na magpapatunay ng pagbaligtad sa desisyon noong Enero 2020 sa kanyang MR.
Si Osmena ay tumakbo bilang reelectionist noong 2016 pero hindi pinalad. Muli siyang tumakbo sa senatorial race noong 2019 ngunit muling nabigo. Jocelyn Tabangcura-Domenden