MANILA, Philippines- Nagsampa ng kasong election offense ang isang organisasyon laban kay Atty. Christian Sia na tumatakbong kinatawan ng Pasig City para sa Eleksyon 2025 kaugnay sa kanyang naging pahayag sa isang campaign rally.
Ang PANTAY na isang gender advocate ay naghain ng pormal na reklamo kaban kay Sia sa Commission on Elections (Comelec) noong Biyernes dahil sa umano’y paglabag ni Sia sa Safe Spaces Act at Comelec Resolution No. 1116 matapos nitong sabihin na maaaring sumiping sa kanya ang mga solo parent.
Umani ng batikos sa social media ang naging pahayag ni Sia na naging viral.
Sa isang rally sinabi ni Sia na: “Eto po ang ambag ko para sa mga solo parents sa atin. Minsan sa isang taon ang mga solo parent na babae na nireregla pa, malinaw, na nireregla pa at nalulungkot. Minsan sa isang taon, pwedeng sumiping sa akin.”
Naglabas naman ng show cause order ang Comelec laban kay Sia at pinagpapaliwanag kung bakit hindi siya dapat magsampa ng election offense at petition for disqualification.
Nauna na ring naglabas ng pahayag si Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian hinggil sa naging pahayag ni Sia sa mga solo parent.
Sa kanyang panig, humingi na rin ng paumanhin ang congressional bet at sinabing siya ay nagbibiro lamang. Jocelyn Tabangcura-Domenden