Home HOME BANNER STORY Petisyon vs Quiboloy ibinasura ng Comelec

Petisyon vs Quiboloy ibinasura ng Comelec

MANILA, Philippines- Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon na naglalayong idiskwalipika ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy sa pagtakbo sa 2025 elections.

Sa isang desisyon, sinabi ng Comelec First Division na “may kakulangan ng ebidensya na ipinakita ng Petitioner para kumbinsihin sila na ang Respondent ay dapat na ideklara bilang isang nuisance candidate.”

Inihain ang petisyon ni Labor leader Sonny Matula dahil sa umano’y material misrepresentation ni Quiboloy at hiniling sa Comelec na siya ay idiskwalipika bilang senatorial candidate na sinasabing ang nominasyon niya ng Workers and Peasants Party (WPP) ay walang katotohanan at legal na batayan.

Sinabi ni Matula na ang sertipiko ng nominasyon at pagtanggap kay Quiboloy ay nilagdaan ng isang Mark Tolentino, na hindi umano niya opisyal o miyembro ng WPP.

Gayunman, sinabi ng Comelec na kinailangan nilang i-dismiss ang petisyon dahil sa kabiguan ni Matula na sumunod sa mga alituntunin nito na “ang petisyon para ideklara ang isang kandidato bilang isang nuisance candidate ay hindi maaaring pagsamahin sa iba pang batayan para sa isang hiwalay na remedy.”

Sinabi ng Comelec sa kanilang desisyon na si Matula ay “bigong patunayan na si [Quiboloy] ay isang nuisance na kandidato” at ang pagsusumite ng isang hindi awtorisadong CONA ay hindi katumbas ng “material misrepresentation.” Jocelyn Tabangcura-Domenden