MANILA, Philippines- Nakatakdang makakuha ng mas mataas na sahod sa susunod na buwan ang pribadong sektor at mga domestic worker (kasambahay) sa Northern Mindanao.
Iniulat ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) na ang Region 10 (Northern Mindanao) Wage Board ay naglabas ng Wage Order No. RX-23, na nagbibigay ng P23 araw-araw na pagtaas ng sahod para sa non-agriculture sector; at P35 para sa sektor ng agrikultura na ibibigay sa dalawang tranches.
Ang wage increase ay magdadala sa minimum wage rate sa Wage Category 1 sa P461; at sa Wage Category 2 sa P446.
Ang mga lungsod na nasa ilalim ng Wage Category 1 ay ang Cagayan de Oro, Iligan, Malaybalay, Valencia, Gingoog, El Salvador, at Ozamiz, at ang mga munisipalidad ng Opol, Tagoloan, Villanueva, Jasaan, Opol, Maramag, Quezon, Manolo Fortich, at Lugait.
Ang iba pang mga lugar na hindi nabanggit sa ilalim ng Wage Category 1, gayundin ang lahat ng retail at service establishments na gumagamit ng hindi hihigit sa 10 manggagawa, ay nasa ilalim ng Wage Category 2.
Sa kabilang banda, naglabas din ang wage board ng Northern Mindanao ng Wage Order RX-DW-05, na nag-apruba ng karagdagang P1,000 buwanang pagtaas ng minimum na sahod para sa mga domestic worker sa rehiyon.
Ayon sa NWPC, ang pagtaas ay nagdadala ng buwanang minimum na sahod para sa mga domestic worker sa rehiyon sa P6,000.
Ang kasalukuyang minimum wage rate per month para sa domestic workers sa Northern Mindanao ay P5,000.
Magkakabisa ang parehong wage orders sa Enero 12,2025. Jocelyn Tabangcura-Domenden