MANILA, Philippines – Naghain ng petition for habeas corpus sa Korte Suprema ang kampo ni dating pangulong Rodrigo Duterte bilang pagtutol sa pagdala sa kanya sa The Hague, Netherlands para iharap sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa reklamong crimes against humanity at murder kaugnay sa war on drugs campaign.
Nagsilbing petitioner ang anak ng dating pangulo na si Veronica “kitty” Duterte.
Hiniling sa petisyon na atasan ng SC ang gobyerno na dalhin sa korte ang dating pangulo at magpaliwanag kung bakit ipinipiit ito.
Iginiit ng mga petitioner na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas mula nang kumalas ito noong 2019 kung kaya hindi saklaw ng ICC ang Pilipinas.
Tinututulan ng naturang petisyon ang pagditene, umano’y pag-kidnap, at kalaunang pagsuko ng pamahalaan kay Duterte sa International Criminal Court.
Nagsisilbing respondent sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Justice Secretary Boying Remulla, PNP Chief General Rommel Marbil, at CIDG Chief Major Nicolas Torre III.
Umaasa naman si Atty. Paolo Panelo, isa sa legal counsel ng petisyon, na maibabalik pa si Duterte sa Pilipinas at maipresenta sa Korte Suprema. TERESA TAVARES