Home HOME BANNER STORY PH ambassador ipinatawag ng Tsina sa bagong maritime laws

PH ambassador ipinatawag ng Tsina sa bagong maritime laws

MANILA, Philippines- Ipinatawag ng Tsina ang Philippine ambassador para ihayag ang pagtutol nito sa dalawang bagong batas sa Southeast Asian nation na iginigiit ang ‘maritime rights at sovereignty’ sa pinagtatalunang lugar sa South China Sea.

Ginawa ng Tsina ang “solemn representations” sa Ambassador ilang sandali matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang  Maritime Zones Act at ang Archipelagic Sea Lanes Act upang maging ganap na batas na naglalayong palakasin ang maritime claims ng bansa at palakasin ang territorial integrity nito.

“The Maritime Zones law illegally includes most of China’s Huangyan Island (Scarborough Shoal) and Nansha Islands (Spratly Islands) and related maritime areas in the Philippines’ maritime zones,” ayon kay Beijing’s foreign ministry spokesperson Mao Ning.

Nang hingan naman ng komento si Presidential Communications Office Acting Secretary Cesar Chavez, sinabi nito na hinihintay pa nila ang official report mula sa Philippine embassy sa Beijing.

Matatandaang makailang-ulit na binasura ng Beijing ang 2016 ruling ng The Hague-based Permanent Court of Arbitration na nagsabing ang malawak na pag-angkin nito sa South China Sea ay walang legal na basehan, isang kasong inihain ng Maynila.

Suportado naman ng Estados Unidos, kaalyado ng Pilipinas ang naging pasya ng korte.

Tinuran ni Pangulong Marcos na ang dalawang batas na kanyang nilagdaan, kung saan tumutukoy sa maritime entitlements at nagtalaga ng sea lanes at air routes, ay demonstrasyon o pagpapatotoo ng commitment na panindigan ang international rules-based order, at protektahan ang karapatan ng Maynila na i-exploit ang resources ng mapayapa sa exclusive economic zone (EEZ) nito.

“Our people, especially our fisher folk, should be able to pursue their livelihood free from uncertainty and harassment,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sabay sabing, “We must be able to harness mineral and energy resources in our sea bed.”

Subalit, iginiit ng Beijing na ang mga nasabing batas ay “serious infringement of its claims over the contested areas.”

Sa kabilang dako, hinikayat naman ng Tsina ang Pilipinas na igalang ang territorial sovereignty at maritime rights at interests ng Tsina: “immediately stop taking any unilateral actions that may lead to the widening of the dispute and complicate the situation,” ayon kay Mao.

Samantala, kinikilala naman ng mga opisyal ng Pilipinas ang hamon na kinahaharap ng mga ito sa pagpapatupad ng mga bagong batas, kung saan ang isa sa mga may-akda na si Senator Francis Tolentino, ay nagpahayag na hindi na niya aasahan pang mabawasan ang tensyon.

“China will not recognize these, but the imprimatur that we’ll be getting from the international community would strengthen our position,” ang sinabi ni Tolentino sa press briefing sa Malakanyang.

Araw ng Biyernes, nagpahayag ng suporta ang Estados Unidos sa Pilipinas.

“The passage of the Maritime Zones Act by the Philippines is a routine matter and further clarifies Philippine maritime law,” ang sinabi ni State Department spokesperson Matthew Miller sa isang kalatas. Kris Jose