Home NATIONWIDE PH food security emergency idedeklara sa Peb. 4

PH food security emergency idedeklara sa Peb. 4

Nakatakdang magdeklara ng food security emergency para sa bigas ang Department of Agriculture (DA) sa Pebrero 4, ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Inaprubahan ng National Price Coordinating Council (NPCC) ang hakbang na ito upang mapababa ang presyo ng bigas sa merkado.

Sa ilalim ng deklarasyon, magpapakawala ang National Food Authority (NFA) ng 300,000 metric tons ng bigas sa loob ng anim na buwan upang patatagin ang presyo at bawasan ang stock sa mga warehouse.

Ayon kay Tiu Laurel, makikinabang din dito ang mga lokal na magsasaka, dahil ang NFA ay makakabili ng bagong ani mula sa kanila.

Ayon naman kay Trade and Industry Secretary Ma. Cristina Roque, ang hakbang na ito ay hindi lamang makakatulong sa mga mamimili kundi magpapalakas din sa sektor ng agrikultura.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang DA sa NFA, Food Terminal Inc., at Kadiwa para sa implementasyon, na posibleng magsimula sa Pebrero 5. (Santi Celario)