Home HOME BANNER STORY Pilipinong parak, isa sa nasawi sa US air collision

Pilipinong parak, isa sa nasawi sa US air collision

MANILA, Philippines – Isa sa 67 biktima ng air collision sa Washington ay isang Pilipinong pulis, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.

Kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang biktima na si Police Colonel Pergentino Malabed Jr., Chief of Supply Management Division, na nasa opisyal na biyahe para sa pre-delivery inspection ng 2,675 all-purpose vests para sa PNP.

Sa isang pahayag, ipinagluksa ng PNP ang pagkawala ni Malabed, na inilarawan bilang isang tapat at dedikadong opisyal. Nangako rin ang PNP na magbibigay ng suporta sa kanyang pamilya.

Nagbanggaan ang isang American Airlines Bombardier jet at isang U.S. Army Black Hawk helicopter noong Miyerkules ng gabi sa Ronald Reagan Washington National Airport, na itinuturing na pinakamalalang air disaster sa U.S. sa loob ng mahigit 20 taon.

Patuloy pang iniimbestigahan ang dahilan ng trahedya, ngunit narekober na ang black boxes ng eroplano. Kabilang sa mga nasawi ang mga pasahero, crew members, batang figure skaters, at ilang residente ng Kansas, kung saan nagmula ang flight. RNT