MANILA, Philippines – Siniguro ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Sabado, Mayo 25 na handa ang pamahalaan na magbigay ng lahat ng uri ng tulong para sa limang Pinoy na nasaktan nang tamaan ng severe turbulence ang flight ng Singapore Airlines.
“Nagpapasalamat tayo sa Singapore Air kasi sinasagot iyong mga expenses. But tayo naman ay nakahanda. Nakahanda tayo na sagutin ang anumang expense. Wala silang gagastusin kahit na isang kusing hanggang sa sila’y makauwi na ligtas sa ating bayan,” sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac.
Ani Cacdac, nakikipag-ugnayan ang DMW sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa kondisyon ng mga Pinoy na nagpapagaling pa rin sa ospital sa Thailand.
Dagdag pa ng DMW chief, lahat ng Filipino ay ligtas na nagpapagaling sa ospital.
Matatandaan na isang 73-anyos na Briton ang nasawi dahil sa hinihinalang heart attack habang mahigit 80 pasahero ang sugatan matapos na makaranas ng severe turbulence ang Boeing 777 habang bumibiyahe mula London patungong Singapore.
Nag-emergency landing ito sa Thailand matapos ang insidente. RNT/JGC