Home NATIONWIDE PH gov’t nakahanap ng solusyon sa mataas na presyo ng bigas –...

PH gov’t nakahanap ng solusyon sa mataas na presyo ng bigas – PBBM

MANILA, Philippines- Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nakahanap na ang gobyerno ng “best solution” para mapababa ang presyo ng bigas sa merkado sa gitna ng planong sertipikahang ‘urgent’ ang panukalang amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL).

Sa isang ambush interview sa Cagayan de Oro City, sinabi ni Pangulong Marcos na nakaisip ang Congress bicameral committee ng mga hakbang para tugunan ang presyo ng bigas.

“I don’t want to preempt the bicameral committee, but I think we have found the solution already,” ayon sa Pangulo.

“The mechanism will be different from that which is proposed but, in the end, and net effect pareho pa rin, makakapag-import ang national government,” dagdag na wika ng Chief Executive .

Tinuran ng Pangulo na kapwa nakahanap ng solusyon ang dalawang Kapulungan ng Kongreso para payagan ang pamahalaan na mag-angkat ng bigas na sa huli ay makababawas sa presyo ng bigas.

“Pagka mataas ang presyo ng bigas, magbibitaw tayo ng bigas, magbebenta tayo ng mababa para sumunod ang merkado,” ayon sa Pangulo.

Iyon mga lamang, hindi naman matukoy pa sa ngayon ng Pangulo kung anong ahensya ang pahihintulutan na mag-angkat ng bigas at bahala na aniya rito ang bicameral committee.

“Syempre, nakikipag-ugnayan tayo and I think we may have found the solution and nakikita natin that we will be immediately able to bring down the price of rice,” ayon kay Pangulong Marcos.

Sa kabila ng development, sinabi pa rin ni Pangulong Marcos na sesertipikahan pa rin niya bilang ‘urgent’ ang panukalang pag-amyenda sa RTL.

“Mase-certify talaga ‘yan,” pahayag ng Pangulo.

Nauna rito, sinabi ni Pangulong Marcos na ang pag-amyenda sa National Food Authority (NFA) charter at RTL ay makapagbibigay ng kakayahan sa pamahalaan na magkaroon ng boses sa oras na ang retail prices ng bigas ay tumaas.

“Mako-control natin, meron tayong influence doon sa presyuhan sa pagbili ng palay at sa pagbenta ng bigas. So that’s what we are going to do,” giit ni Marcos.

“I think it justifies the urgent certification,” dagdag na pahayag nito.

Ayon sa Pangulo, ang presyo ng bigas ay tumataas dahil walang kontrol ang gobyerno rito.

Nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019, binawi ng RTL ang quantitative restrictions sa bigas at ipinakilala ang taripa para protektahan ang local rice producers.

Itinatag nito ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), na nakapagpadagdag sa rice productivity at sumuporta sa mga magsasaka.

Binigyan nito ng mandato ang NFA na pangasiwaan ang buffer stock na ang pinanggalingan lamang ay ang lokal na magsasaka.

Gayunman, inisip naman ng mga kritiko na nabigo ang RTL na bawasan ang halaga ng presyo ng bigas at tumaas naman ang bilang ng murang imported na bigas sa merkado. Kris Jose