Home NATIONWIDE P2.8M shabu nasamsam sa Bacolod buy-bust

P2.8M shabu nasamsam sa Bacolod buy-bust

BACOLOD CITY- Umabot sa P2.8 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa pinaigting na operasyon kontra droga, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Ayon kay Police Major Eugene Tolentino, hepe ng Bacolod City Police Station 8, nadakip noong Huwebes ang dalawang high-value individuals na mag-live in partner na edad 32 at 42 sa Barangay Tangub, ng lungsod na ito.

Nakuha sa mga ito ang 420 gramo ng shabu at dati na ring naaresto sa kaparehong kaso.

Sa pinagsamang operasyon ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU)-6, PDEA-Western Visayas Police Station 8, nadakip din ang 41-anyos na tricycle driver sa Barangay Miranda, Hinigaran, Negros Occidental noong Martes.

Narekober sa suspek ang 30 gramo ng shabu na may halagang P204,000, P1,000 marked money, at .38 caliber revolver na may apat na bala.

Sinalakay naman ng mga operatiba ang drug den sa Purok Sigay, Barangay 2, na nagresulta sa pagkakadakip sa pitong suspek.

Nakuha sa mga ito ang pitong gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P47,600, marked money, improvised tooter, lighters, P220, gunting at plastic na naglalaman ng mga drug paraphernalia.

Sinampahan ng mga karampatang kaso ang mga nadakip na suspek. Mary Anne Sapico