MANILA, Philippines- Lumagda ang Department of Education (DepEd) ng isang memorandum of agreement kasama ang Private Sector Advisory Council jobs committee, sa pamamagitan ng Private Sector Jobs and Skills Corporation, para bigyan ang senior high school (SHS) learners ng magandang work immersion opportunities.
Sa naging panayam ng programang “Malacañang Insider,” araw ng Biyernes, sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na ang kasunduan ay naglalayong tiyakin na mas maraming SHS graduates ang magiging “employable” sa pamamagitan ng “proper skills matching and longer work immersion” alinsunod sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Hindi lang iyong padaplis na work immersion na sandali, isang linggo, dalawang linggo, kundi babad talaga sila. So, makakakuha sila ng skills and mase-certify sila,” ayon kay Angara.
“Kaya very employable or hireable sila pagkatapos ng kanilang work immersion,” dagdag na wika ng Kalihim.
Kabilang sa mga available na industriya para sa pinaganda at inaayos na work immersion ay Information Technology and Business Process Management, tourism at hospitality, agriculture at entepreneurship at manufacturing, bukod sa iba pa.
“Gagawin nating akma sa mga pangangailangan ng industriya at bibigyan natin ng menu o pagpipilian iyong mga magulang at estudyante kung ano iyong natitipuhan nilang pasukan na industriya,” aniya pa rin.
Tinatayang may 10 eskwelahan naman kabilang ang isa na espesyalista sa Alternative Learning System (ALS), ang magpapartisipa sa pilot implementation ng enhanced immersion program.
Pinuri ni Angara ang suporta ng pribadong sektor para paghusayin ang education landscape ng bansa.
“I’m very gratified. I think it’s the sign of the goodwill of the Marcos administration dahil nakikita ng pribadong sektor na very open si Pangulong Marcos,” anito.
Kabilang sa partner industries ang Semiconductors and Electronics Industries in the Philippines, Information Technology Business Processing Association of the Philippines, Philippine Constructors Association, Confederation of Wearables Exporters of the Philippines, Philippine Chamber of Commerce and Industry, Employers Confederation of the Philippines, iPeople through the National Teachers College, SM Group, at Philippine Center for Entrepreneurship (Go Negosyo).
Maliban sa mahabang internships para sa mga mag-aaral, layon ng kasunduan na sanayin ang mga guro at magbigay ng ng job fairs.
Samantala, kinilala rin ni Angara ang joint efforts ng local community at mga guro para itulak ang pagbubukas ng klase gaya ng itinakda nito lamang Hulyo 29 o sa mga sumunod na araw sa kabila ng epekto ng pinalakas na southwest monsoon at Super Typhoon Carina.
“Sila na mismo na nasira iyong kanilang mga bahay o apektado sila ng baha, pero nandoon sila sa eskwelahan para lang malinis, para lang mahanda iyong mga aklat o libro ng ating mga estudyante,” ani Angara, tinukoy ang normalisasyon ng klase sa lahat ng eskwelahan noong Agosto 6, o isang linggo matapos ang pormal na pagbubukas ng klase.
Matatandaang nito lamang Hulyo 29, may kabuuang 1,063 paaralan ang nagpaliban ng opisyal na pagsisimula ng kanilang klase para sa Academic Year 2024-2025.
Nakapagtala naman ang DepEd ng 24,679,061 enrolled learners mula elementary hanggang senior high school sa lahat ng public at private schools, kabilang na ang 316,466 ALS learners. Kris Jose