MANILA, Philippines – Nakatakdang magsanib-pwersa ang Philippine Space Agency (PhilSA) at Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) para sa inisyatibong makatutulong sa mga Filipino na harapin ang crisis challenges at mga kalamidad, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado, Hunyo 21.
Inanunsyo ito ng Pangulo sa isang Instagram post sa pagsasabing ang dalawang ahensya ay magtutulungan para palakasin ang space technology at epektibong matutukan ang weather disturbances at magkaroon ng mas mabilis na disaster response.
“We’re working with the Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA), together with our very own Philippine Space Agency (PhilSA), to use space technology that helps protect and improve the lives of Filipinos,” ani Marcos.
“With better satellites, we can track typhoons and respond to disasters more quickly, help our farmers plan smarter, and keep our communities safer,” dagdag ng Pangulo.
Nakipagkita si Marcos sa JAXA executives sa pagtatapos ng kanyang business meetings sa Osaka, Japan nitong Biyernes.
Si Marcos ay kasalukuyang nasa four-day working visit sa Japan mula Hunyo 19 hanggang 22.
Ang JAXA ay katuwang ng Pilipinas sa space science, technology and applications programs, sa pamamagitan ng Department of Science and Technology (DOST).
Nakipag-ugnayan din ang DOST sa mga unibersidad sa Japan sa development at paglulunsad ng kauna-unahang microsatellites ng Pilipinas na DIWATA-1 at DIWATA-2, nanosatellites MAYA-1 at MAYA-2, at unang nanosatellites na nilikha ng mga unibersidad sa Pilipinas.
Itinatag noong 2003, ang JAXA ay ang national space agency ng Japan na responsable sa research, development at utilization ng space at aeronautics.
Ang JAXA ay naging national research and development agency noong Abril 2015 na sangkot sa iba’t ibang pamamaraan para i-promote ang R&D sa aerospace, na nakatutok sa international cooperation, public relations, at kolaborasyon sa mga unibersidad at educational institutions. RNT/JGC