TIWALA ang isang senador na makakatulong kung maisasabatas ang panukalang Philippine Maritime Zone Law para mapagtibay ang maritime domain ng Pilipinas.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na maisusulong din nito ang pagpapalakas ng teritoryo at pambansang seguridad sa West Philippine Sea.
Ayon kay Sen. Tolentino, ipinatutupad ng panukala ang mga probisyon ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Ito’y sa pamamagitan ng pagtatalaga ng archipelagic sea lanes ng bansa at monitoring sa pagdaan dito ng mga dayuhang sasakyang pandagat at sasakyang panghimpapawid.
Sa oras na maisabatas, isusumite ito sa International Maritime Organization (IMO), na siya namang mag-aabiso sa ibang bansa ng bagong batas. Naunang inihayag ni Senator Tol, bilang chairman ng Senate Committee on Maritime and Admiralty Zones, na inaabangan na lamang nila ang pagpirma ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. upang maging ganap itong batas saka ipapatupad para sa seguridad ng mga karagatan sakop ng bansa.
Samantala, ibinahagi din ni Sen. Tolentino ang posibilidad na pagsusulong niya na rumenta ng nga barkong pandigma para bantayan ang mga isla ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ani Tolentino, mas malaki ang matitipid ng bansa sa oras na umarkila ito ng mga kinakailangan barkong pandigma.
Paliwanag pa ng mambabatas, hindi hamak na mas mabilis din ang magiging deployment ng bansa lalo na ngayong umiinit ang tensyon sa nasabing lugar.
Dagdag pa ni Tolentino na napag-aralan na niya ang naturang sistema at may impormasyon na rin aniya siya kung saan at sino ang mga kakausapin para sa lease agreement ng mga barkong pandigma ng bansa. JAY Reyes