Home NATIONWIDE PH milk production target palakasin sa dairy herd importation

PH milk production target palakasin sa dairy herd importation

MANILA, Philippines- Inilatag ng Department of Agriculture (DA) at ng National Dairy Authority (NDA) nitong Biyernes ang plano nitong mag-angkat ng dairy herds upang palakasin ang produksyon ng gatas sa Pilipinas.

Sa pagdiriwang ng World Milk Day, sinabi ni DA Undersecretary for Livestock Deogracias Victor Savellano na nangangailangan ang industriya ng “good genetics” upang maabot ang 5-posyentong dagdag sa milk sufficiency, katumbas ng 40 milyong litro sa 2025.

“We are importing 99 percent [of milk], pero ang gusto sana namin ay mag-import din kami ng mga baka, kalabaw, para maparami natin,” anang opisyal sa isang ambush interview.

Sa kasalukuyan, nagpo-prodyus lamang ang bansa ng 30,000 metric tons (MT) ng gatas, malayo sa milk demand sa bansa na 3.3 million MT.

Inihayag ni NDA officer-in-charge Administrator Gavino Alfredo Benitez na upang maabot ang 5 percent target production hike, halos 5,000 hanggang 8,000 dairy herds ang dapat iangkat mula 2025 hanggang 2026.

“It should come from FMD (foot-and-mouth disease)-free [countries]. For that napakaliit lang ng list. Pwede tayo US, patay tayo sa shipping cost. Ang pinakamalapit sa atin ay New Zealand and Australia,” aniya.

Sumang-ayon din ang Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) sa planong importasyon.

“To expedite the herd buildup, obligado talaga na mag-import tayo. But we have to give more budget also to genetic improvement,” giit ni PCAFI president Danilo Fausto sa isang panayam.

Subalit, sinabi ni Fausto na posible lamang ang mga adhikaing ito sa pagpasa ng tier 2 budget ng NDA.

“30,000 MT ang total production natin, gagawin mong 80 million (liters), paano mo gagawin iyon kung wala kang gagatasan?” ayon sa opisyal.

Kapwa suportado ng NDA at DA ang mas mataas na budget allocation para sa sektor upang maisakatuparan hindi lamang ang importasyon kundi ang iba pang mga programa sa gitna ng negatibong epekto ng El Niño phenomenon.

“We were granted by the DBM [Department of Budget and Management] now, I think PHP500 million. And we’re still backing for the so-called tier 2 budget which is about PHP2.5 billion. That would make it about PHP3 billion for next year,” ani Benitez.

“Sa pondo, kulang na kulang. Kami naman gumagawa kami ng paraan,” sabi naman ni Savellano. RNT/SA