Home NATIONWIDE Kooperasyon sa ‘like-minded nations’ palalalimin ng AFP

Kooperasyon sa ‘like-minded nations’ palalalimin ng AFP

MANILA, Philippines- Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Biyernes na isusulong nito ang mas malalim na kooperasyon sa iba pang bansa na sumusuporta sa posisyon ng Manila sa West Philippine Sea.  

Kasunod ito ng fishing ban ng China sa kabuuan ng South China Sea at paglalayag ng tinatawag nitong “monster ship” sa Bajo de Masinloc sa Zambales. 

“So ang gagawin po natin diyan ay papaigtingin po natin iyong ating mga hakbang sa seguridad diyan po sa ating mga karagatan at magsasagawa po tayo ng mas malawakang kooperasyon sa mga iba’t ibang entities ‘no like iyong like-minded nations and the whole-of-government approach,” pahayag ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla sa televised briefing. 

Iniulat din niya na nilisan na ng China Coast Guard 5901, kilala rin bilang pinakamalaking coast guard ship sa buong mundo, ang exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

“Dumaan lang po sila. It’s actually part of their ICAD activities ‘no – iyong kanilang illegal, coercive, aggressive and deceptive activities po ng China,” anang opisyal.

Ani Padilla, ipagpapatuloy ng AFP ang pagsasagawa ng regular maritime patrols sa katubigan ng bansa, sa pakikipagtulungan sa Philippine Coast Guard at sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. 

Dagdag niya, may inihandang contingency plans ang pamahalaan sakaling hulihin ng China ang sinumang Pilipino sa West Philippine Sea. 

“Habang hinaharap natin ang mga hamon dulot ng mga aksiyon ng Tsina sa West Philippine Sea, mariin po nating pinapahayag na ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ang aming matibay po na pangako ay ipagtatanggol ang soberanya ng ating bansa at pangangalagaan po natin ang ating mga interes dito sa region na ito,” patuloy ng opisyal. RNT/SA