MANILA, Philippines – Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang pag-apruba ng Senado, sa ikalawang pagbasa, sa Senate Bill No. 2514 o Philippine National Games (PNG) Bill noong Martes, na pangunahin niyang inisponsoran at iniakda.
Ang panukalang batas ay layong palakasin ang grassroots sports development at magbigay ng structured national sports program.
“Napakaimportante po nitong Philippine National Games, para po itong mini-Olympics. Every two years po itong gaganapin at makikita natin na dito po madidiskubre ang mga atleta na nasa malalayong lugar dahil marami rin pong potential athletes,” ayon kay Go.
Binigyang-diin ni Go, chair ng Senate committee on sports ang kahalagahan ng mga susog na ipinakilala upang mapahusay ang saklaw at layunin ng panukalang batas.
“Ang mga pag-amyenda ay tumitiyak na ang PNG ay hindi lamang magsisilbing pambansang kompetisyon sa palakasan kundi kikilalanin din ang iba pang katulad na mga hakbang habang nagbibigay ng pagkakataon sa mga para-atleta at iba pang lokal na kompetisyon sa palakasan,” idiniin ni Go.
Kabilang sa mga pangunahing pagbabago sa panukalang batas ay ang tungkulin ng PNG na magsilbi bilang isa sa mga pambansang kumpetisyon sa palakasan ng bansa.
Kikilalanin ang kahalagahan ng iba pang makabuluhang sports events sa bansa, tulad ng Palarong Pambansa, kasama na ang para-athletes at titiyaking pantay ang pagkakataon para sa mga atletang may mga kapansanan.
“Ang mga pagbabago ay sumasalamin sa ating pangako sa isang mas inclusive sports program na umaabot sa lahat ng antas ng ating lipunan. Ang panukalang batas na ito ay makakatulong sa pagtuklas at pag-aalaga ng talento mula sa bawat sulok ng Pilipinas,” Go remarked.
Ipinag-uutos sa panukalang batas na idaos ang PNG sa pakikipagtulungan ng mga munisipalidad sa ilalim ng hurisdiksyon ng mga lalawigan at lungsod upang matiyak ang mas malawak na partisipasyon.
Binigyang-diin din ang koordinasyon sa Palarong Pambansa at iba pang lokal at internasyonal na kompetisyon upang maiwasan ang problema sa iskedyul at unahin ang kapakanan ng mga atleta.
Inaprubahan din ng Senado ang isang probisyon na pumipigil sa mga atleta na lumipat ng delegasyon pagkatapos lumahok sa mga kuwalipikadong kompetisyon, para masiguro ang patas na laro at pare-parehong representasyon.
“Ito ay isang makabuluhang hakbang tungo sa pag-aalaga sa ating mga atleta at pagtataguyod ng malusog at aktibong pamumuhay sa mga Pilipino,” ani Go. RNT