Home NATIONWIDE Tolentino: Kapag napatunayang nag-wiretap, Chinese embassy staff pwedeng i-expelled, bawasan

Tolentino: Kapag napatunayang nag-wiretap, Chinese embassy staff pwedeng i-expelled, bawasan

MANILA, Philippines – Sinabi ni Senator Francis Tolentino na maaring ma-expelled o mabawasan ang staff ng Chinese embassy o kaya’y maghain muli ang Pilipinas ng diplomatic protest sakaling mapatunayan na nag-wiretapped ang embahada ng China sa militar ng bansa.

Ito ang nakikita ni Tolentino na maaring parusa kapag napatunayan na nag- wiretapping ang Chinese embassy ukol sa transcript at audio recording ng umano’y phone conversation sa pagitan ng mga opisyal ng China at ni Armed Forces of the Philippines Western Command chief, Vice Admiral Alberto Carlos kaugnay sa “new model” ng resupply mission sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Tolentino, maaaring expulsions ng non-diplomatic staff kabilang ang administrative, technical at service personnel ng embahada ng China kung lumabag ito sa anti-wiretapping law ng Pilipinas.

Paliwanag ni Tolentino, may tenure o term ang mga staff ng mga embahada kaya maaring hindi na i-renew ng Philippine government ang visa ng mga staff bilang parusa.

Aminado si Tolentino na ang kanyang nabanggit ay maaring maging parusa at walang imprisonment.

Kaugnay nito, sakaling mangyari ito ay posibleng magkaroon ito ng epekto sa trade agreements ng Pilipinas sa China at sa mga Overseas Filipino Workers na nagtratrabaho sa China.

Una nang nanawagan si Senator Tolentino sa Senate committee on national defense na imbestigahan ang umano’y wiretapping ng Chinese embassy sa isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command.

Sa inihaing Senate Resolution No.1023 ni Tolentino, chairperson ng Senate special committee on maritime and admiralty zones, binigyang-diin niya na labag sa batas, para sa sinumang indibidwal na hindi awtorisado, ang palihim na i-record ang anumang komunikasyon.

Pinaimbitahan na ni Tolentino ang Chinese embassy para ssa ipinatawag na pagdinig sa Senado. RNT