MANILA, Philippines — Palalakasin pa ng Philippine Navy ang kakayahan nito sa dagat sa pamamagitan ng pagkuha ng apat na bagong warship at anim na anti-submarine warfare helicopters sa ilalim ng Armed Forces of the Philippines (AFP) modernization program.
Inanunsyo ito ng Navy nitong Martes bago ang pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Philippine Navy ngayong Mayo 20.
Ayon kay Rear Adm. Joe Anthony Orbe, commander ng Philippine Fleet, malaking pagbabago na ang naidulot ng modernization program sa kakayahan ng kanilang mga barko.
“Before, our ships are limited in endurance. A week, at the most two weeks, perhaps,” ani Orbe sa briefing sa Camp Aguinaldo.
“Now… we can stay 20, even more than a month at sea without the need for refueling or reprovisioning,” dagdag niya.
Sinabi ni Orbe na mahalaga ito upang mapanatili ang tuloy-tuloy na presensya ng Navy sa mga katubigan ng bansa kabilang ang West Philippine Sea.
Sa kasalukuyan, mahigit 80 maritime platforms na umano ang pinatatakbo ng Navy kabilang ang mga frigates, corvettes, offshore patrol vessels (OPVs) at maliliit na barko.
Aniya, anim na OPVs ang nakatakdang idagdag sa fleet kung saan dalawa na ang nasa serbisyo habang ang apat pa ay inaasahang darating bago matapos ang 2028.
“One will be commissioned on the 29th,” ani Orbe hinggil sa bagong offshore patrol vessel na ilulunsad kasabay ng selebrasyon ng anibersaryo ng Navy.
Ang mga naturang barko ay bahagi ng anim na OPV acquisition program ng Department of National Defense na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P30 bilyon.
Ang ikalawang OPV na dumating ngayong buwan ay opisyal na io-commission bilang BRP Rajah Lakandula sa Mayo 29.
Samantala, inaasahan din ng Philippine Navy ang pagdating ng anim na karagdagang AW159 Wildcat anti-submarine warfare helicopters sa susunod na apat hanggang limang taon.
Ayon kay Capt. Ariel Joseph Coloma, commander ng Naval Air Warfare Force, makatutulong ang mga ito upang higit pang mapalakas ang anti-submarine warfare capability ng bansa.
“We are actually looking forward for additional six AW159 helicopters in the next four to five years,” ani Coloma.
Dagdag pa niya, ginagamit na rin sa kasalukuyan ang AW159 helicopters sa fleet operations at military exercises.
“The AW159 Wildcat helicopters are full ASW-capable helicopters,” aniya.
Bukod dito, gumagamit na rin umano ang Navy ng unmanned aerial systems o drones para sa surveillance missions.
Samantala, sinabi naman ng Philippine Marine Corps na nakatulong ang mga nagdaang Balikatan exercises upang mapahusay ang coastal defense at maritime strike training ng tropa kasama ang allied forces.
Ayon naman kay Capt. Tirso Binasoy ng Naval Special Warfare Training Center, pinalalakas din nila ang drone at asymmetric warfare capabilities ng kanilang yunit.
Sa hiwalay na pahayag, tiniyak ng Department of National Defense ang patuloy nitong suporta sa modernization at capability development ng Philippine Navy.
Ayon sa DND, inaasahang higit pang mapapalakas ng mga bagong barko at helicopters ang maritime domain awareness at kakayahan ng bansa sa pagpapatrolya sa mga karagatan nito sa mga susunod na taon. RNT/JGC