ZAMBALES, Philippines – Nagsagawa noong nakaraang linggo ang Northern Luzon Naval Command (NLNC) ng Philippine Navy ng maritime patrol at test fire ng 76 mm OTO Melara gun sa karagatan malapit sa Los Frailes Island, Zambales.
Isinagawa ang aktibidad sakay ng BRP Emilio Jacinto (PS35) na pinamunuan ni Commander Joseph Dimayuga.
Ayon sa Philippine Navy, habang nasa patrol, pinanatili ng BRP Emilio Jacinto ang mataas na pagbabantay sa karagatan, minonitor ang galaw ng mga sasakyang-dagat, at nagsagawa ng presence operations sa mahahalagang sea lanes, lalo na sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng mga banta sa seguridad sa dagat.
Samantala, ang isinagawang test fire ay upang masigurong maayos ang kondisyon, tama ang pagputok, at epektibo ang operasyon ng 76 mm OTO Melara gun, pati na rin ang paghasa sa kasanayan ng mga operator nito.
Dagdag pa ng Philippine Navy, ipagpapatuloy ng NLNC sa pamamagitan ng BRP Emilio Jacinto ang pagbabantay at pagmamanman para sa kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino sa pinagtatalunang West Philippine Sea. RNT/MND