Home OPINION KRISIS AT LUNGKOT SA PASKONG 2025

KRISIS AT LUNGKOT SA PASKONG 2025

302
0

ILANG araw na lang, Disyembre 25 na, Pasko na.

Malapit nang matapos ang siyam na Simbang Gabi.

Sa kwentong Kristiyano, ipinanganak si Jesus sa Bethlehem, Israel at habang nasa sabsaban siya, pinuntahan siya ng tatlong Hari at nag-alay sa kanya ng mga makabuluhan at makasaysayang regalo.

Dapat sanang damang-dama ang saya sa Kapaskuhang nagsimula nitong Disyembre 16 na simula ng Simbang Gabi at matatapos talaga sa araw ng Tatlong Hari o Three Kings sa unang linggo ng 2026.

Pero iba ang nararamdaman ng higit na nakararami.

Hindi maganda ang Kapaskuhan ngayon.

Bukod sa malungkot, puno pa ng kagipitan ang marami, anila.

PRESYO NG MGA BILIHIN SOBRANG TAAS

Walang nagsasabi ngayon na mamamayan na mababa ang presyo ng mga bilihin.

Kahit pa ang mga medyo may kaya at mga empleyado ng pamahalaang pambansa na karaniwang mas mataas na sahod at benepisyo ang tinatanggap kumpara sa mga nasa local na pamahalaan.

Ang gobyerno at matatas na opisyal lamang ang nagsasabing mababa ang presyo.

Kahit sino ang tanungin mo, kapag pinakawalan mo ang P1,000 na pambili, napakakaunti na lang ang mabili mo kumpara sa nakaraang mga taon.

Hindi na natin kailangang isa-isahin pa ang mga bilihin.

Tiyak namang kailangan na kailangan ang binibili at umiiwas ang marami sa mga pambisyo.

Para maranasan mo, ikaw na mismo ang bumili at tiyak na mararamdaman mo ang sinasabi ng higit na nakararami.

Basta kung bumili ka sa mga mall o palengke at hindi ka tagaroon at may dala kang sasakyan, kasama sa dapat mong alalahanin na may kaltas na 12% value added tax ang binili mo, may parking fee sa iyong sasakyan at asahan mong medyo mas malaki ang gastos mo sa gasolina o diesel sa biyahe dahil sa katakot-takot na trapik.

Kung wala ka namang sasakyan, asahan mo ang grabeng singil ng mga sasakyan, lalo na ang mga traysikel at TNVS.

Dagdag ang mga ito sa mga presyo ng mga bilihin.

Resulta?

Kung dati-rati, may ilang supot kang maiuuwi sa P1,000 kahit para sa Noche Buena, ngayon baka iisa o dalawang supot na lamang.

WALANG CHRISTMAS LIGHTS

Isa pa sa nagiging kapansin-pansin din, mga Bro, ang kawalan ng maraming nakikitang lights sa mga bahay.

Ang mga barangay hall, municipal hall, city hall, palengke at business establishments lang ang may mga christmas light.

Pero ang mga kabahayan, bibihira ang mayroong nakikita mula sa labas.

Lalo na sa parte ng mga obrero, magsasaka, malilit na vendor, maliliit na empleyado sa mga establishment o pwesto sa mga mall at palengke.

Nagaganap ito hindi dahil marami na ang nagpalit ng relihyon na hindi naniniwala sa Pasko.

Nagaganap ito dahil sa nararamdamang malawak na kahirapan.

MERON SANA PERO PINAGNANAKAW PALA

Alam ba ninyo ang malaganap na usapan kung bakit nawawalan ng gana o wala talagang masayang Pasko ngayong taon?

Nauugat ito sa bilyon-bilyon o trilyong pisong pondo sa gobyerno na ninanakaw at sinarili ng mga matataas na opisyal ng gobyerno.

Dahil dito, krisis at hindi saya ang dala ng Paskong 2025.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here