MANILA, Philippines – Inilunsad ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang National Philatelic Exhibition 2025 (NAPEX) bilang bahagi ng selebrasyon ng kanilang month-long corporate anniversary.
Ang NAPEX ay isang tatlong-araw na aktibidad na pormal na binuksan noong Miyerkules sa Level 1 Atrium ng Lucky Chinatown Mall sa Binondo, Maynila.
Tampok sa eksibisyon ang mga koleksiyon ng selyo mula sa 17 kilalang kolektor, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng philately—isang makasining at makasaysayang hilig na hindi lamang bumubuhay sa nakaraan, kundi nag-uugnay din ng mga kultura at nagkukuwento ng kasaysayan sa pamamagitan ng mga selyo.
Bilang espesyal na bahagi ng okasyon, inilunsad ang isang commemorative stamp set na nagbibigay-parangal sa mga Filipino medalists ng 2024 Paris Olympics, kabilang sina Carlos Yulo, Nesthy Alcayde Petecio, at Aira Villegas.
Kasabay rin nito, naglabas ang PHLPost ng isang espesyal na hanay ng mga selyo at souvenir sheet na tampok ang mga tanyag na Pista ng Pilipinas—kabilang ang Kadayawan Festival ng Davao City, Panagbenga Festival ng Baguio City, Singkaban Festival ng Bulacan, at Sinulog Festival ng Cebu City.
Bukod sa pagsasalamin ng mayamang kultura at pananampalataya ng mga Pilipino, layunin ng mga selyong ito na palakasin ang panrehiyong pagmamalaki at pagkakaisa ng bawat komunidad sa bansa.
Katuwang ng PHLPost sa pag-oorganisa ng NAPEX ang Philippine Philatelic Federation, Inc., na nagtipon ng mga stamp club mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang ibahagi ang kanilang koleksiyon at pasiglahin pa ang interes ng publiko sa stamp collecting.