Home HOME BANNER STORY PH passport ni Alice Guo, pinakakansela ni Hontiveros sa DFA

PH passport ni Alice Guo, pinakakansela ni Hontiveros sa DFA

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin kaagad ang Philippine passport ni Alice Guo matapos lumutang na nakatakas ito palabas ng bansa.

“Ang kapal din talaga ng mukha ng pekeng Pilipino na ito. Ginamit pa ang pasaporte ng Pilipinas para tumakas. Her passport should be made null and void immediately,” ayon kay Hontiveros sa pahayag.

“Cancelling her passport will limit her travels. Mas madali siya matutuntun kapag hindi siya gala nang gala. And besides, she does not have the right to use a Philippine passport in the first place,” giit pa ng senador.

Sa kanyang privilege speech nitong Lunes, Agosto 19, ibinahagi ni Hontiveros ang ilang impormasyon mula sa National Bureau of Investigation (NBI) na pumasok si Guo sa Malaysia noong Hulyo 18 saka nagtungo sa Singapore nitong Hulyo 21.

Kinumpirma ng Bureau of Immigration ang impormasyon saka idinagdag base sa intelligence report ng kanilang counterpart sa ibang bansa na kaagad lumipat si Guo sa Indonesia pagkagaling sa Singapore.

“Dapat nung nakumpirma na pineke ang kanyang pagka-Pilipino, kinansela na agad ang pasaporte niya. Sana naisagawa na ito ng ating mga ahensya. The failure to apprehend Alice Guo only shows the lack of better interagency coordination,” aniya.

“Hindi pwedeng nakakalusot siya dahil walang maayos na koordinasyon. At mas lalong hindi natin papalagpasin kung may mga opisyal pala na kasabwat si Alice Guo sa lahat ng ito,” patapos ni Hontiveros. Ernie Reyes