MANILA, Philippines – Sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto ngayong Lunes na magtutulungan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Sports Commission (PSC) upang i-upgrade ang mga pasilidad sa sports at palakasin ang pag-unlad ng mga atleta sa buong bansa.
Suporta ito sa layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bumuo ng world-class na mga Pilipinong atleta at itaguyod ang Pilipinas bilang isang kompetitibong bansa sa larangan ng sports.
Ani Recto, nagkasundo ang dalawang ahensya na magtulungan sa pagkompleto at pag-upgrade ng mga pangunahing sports infrastructure sa bansa. “Magtutulungan ang PAGCOR at PSC para bigyan ng tamang pasilidad, tamang suporta, at maayos na espasyo para mahasa ang galing ng mga Pilipino,” ayon sa kanya.
Dagdag pa niya, pinagtitibay ng pakikipagtulungan na ito ang komitment ng gobyerno na mamuhunan sa potensyal ng mga Pilipino at bumuo ng pambansang pride at oportunidad para sa mga komunidad.
Kabilang sa mga pangunahing proyekto ang pagkompleto ng Ilocos Norte Sports Institute and Research Building na paglalagyan ng mga training venue para sa bowling, gymnastics, badminton, sepak takraw, at iba pang sports.
Mabilis ding i-de-develop ang General Luna Convention Center sa Siargao bilang isang specialized watersports training facility at academy para sa surfing, coastal rowing, beach sprints, at dragon boat racing. I-uupgrade rin ang mas malawak na Siargao Sports Complex upang magkaroon ng pasilidad para sa basketball, volleyball, badminton, rubberized track oval, dormitoryo para sa atleta, at convention center.
Ang Zamboanga City Sports Complex ay gagawing Regional Training Center para sa Zamboanga Peninsula. Sa Baguio, ang Athletic Bowl ay kasalukuyang nire-rehabilitate at ina-augment upang magsilbing Regional Training Center para sa Cordilleras, na magkakaroon ng track and field oval na may grandstand, Olympic-size swimming pool, tennis courts, at iba pang pasilidad.
Ani Recto, inaasahang mapapalakas ng mga modernong pasilidad na ito ang sports tourism at magbibigay-daan sa Pilipinas na mag-host ng mga international competitions, na magpapalakas sa katayuan ng bansa sa pandaigdigang sports arena. RNT