MANILA, Philippines – KAPWA nangako sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Thai Prime Minister Paetongtarn Shinawatra na palalakasin ang pagtutulungan ng Pilipinas at Thailand sa mga strategic areas, kabilang na ang trade and investment, agriculture, at artificial intelligence (AI).
Ang commitment ay inihayag nina Pangulong Marcos at Paetongtarn sa idinaos na bilateral meeting sa sidelines ng 46th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Kuala Lumpur Convention Centre sa Malaysia, araw ng Lunes.
“The two leaders agreed to harness innovation and economic complementarity to drive inclusive and sustainable growth in the region,” ayon sa news release ng Presidential Communications Office (PCO).
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan na baguhin at palalimin ang matagal nang ugnayan ng Pilipinas sa Thailand, habang ginugunita ang ika-76 taon ng diplomatic relations na itinatag noong Hunyo 14, 1949.
“Both leaders reaffirmed their mutual commitment to strengthening bilateral relations further and exploring new areas of collaboration that align with their respective national development goals,” ang sinabi pa rin ng PCO.
Ani Pangulong Marcos, nakikita nila ni Paetongtarn ang pangangailangan na paghusayin ang ugnayan at pagtutulungan ng dalawang bansa, isinasaalang-alang pa na ang global economy ay nahaharap sa mga usapin na “very difficult to predict and to forecast.”
Winika pa ng Pangulo na ang Maynila at Bangkok ay mayroong “great potential” sa pagpapanday ng partnerships sa electronics, AI, copper, vehicle wiring, at mahalagang metals industries.
Winelcome din ng Pangulo ang commitment ng isang leading Thai agricultural company na mamuhunan sa Pilipinas, binigyang-diin ang kahalagahan ng public-private partnerships (PPP) para sa pagpapasigla sa economic growth ng Pilipinas.
“I really see that there is great potential in all of these areas,” ang sinabi ni Pangulong Marcos, sabay sabing kinokonsidera ng Pilipinas na dagdagan o itaas ang pag-export sa Thailand para sa mas balanseng kalakalan.
Ang Thailand ang sixth largest trading partner ng Pilipinas noong 2024.
Para naman kay Paetongtarn, plano niya na palawakin ang agricultural cooperation sa Pilipinas, tinukoy ang interes ng Thailand na mamuhunan sa research and development.
“We encourage other countries to invest in Thailand more and invest in the Philippines as well,” ang sinabi nito.
Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na pasisiglahin nito ang pagtutulungan ng dalawang bansa para labanan ang transnational crime, binigyang-diin ang pangangailangan ng sanib-puwersa sa pagtatrabaho para sa kapayapaan, seguridad, at development sa rehiyon.
Ipinaabot naman ni Pangulong Marcos ang kanyang imbitasyon para kay Paetongtarn na bumisita sa Pilipinas sa panahon ng kanilang bilateral meeting. Kris Jose